KILALANIN: Nagbebenta ng espongha noon, empleyado na sa BGC ngayon

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2018 08:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Simpleng pasasalamat sa mga suki ang ipinost ng isang lalaki sa kaniyang Facebook account para sa mga tumulong sa kaniya para makapagtapos sa kolehiyo.

Nag-viral ang post matapos niyang ikuwentong natustusan niya ang pag-aaral sa pamamagitan ng paglalako ng espongha o sponge.

Ayon kay Melvin Chua, bukod sa tulong, naging inspirasyon ang mga suki para magsumikap siya sa pag-aaral kahit pa napakahirap ng lagay ng kanilang pamilya sa buhay.

"Nakikita ko 'yong mga suki ko, may mga anak, guma-graduate ng college, so doon po ako talaga na-inspire din po at lagi kong sinasabi sa sarili ko na one day, kahit naglalako ako, makakatapos ako at matutulungan ko si mama," ani Chua.

Kaya naman umulan man o umaraw, nagpursigi si Chua sa paglalako ng espongha dahil ito ang magtutustos ng kaniyang edukasyong nakikita niyang susi sa pag-unlad sa buhay.

Naglalaro sa P300 hanggang P600 ang kinikita ni Chua sa pagbebenta ng espongha.

Nang makapagtapos, pinaka-proud kay Chua ang kaniyang pamilya at mga suki ng espongha.

"Bihira 'yong ganoon, may ibang bata pinag-aaral [pero] ayaw mag-aral. Samantalang siya [Chua], nagsusumikap siya," sabi ng suki ni Chua na si Elmaflor Salvino.

"Madiskarte talaga siya," paglalarawan ng isa pang suking si Loida Naive kay Chua.

Nagtapos ng Bachelor of Science in Office Management si Chua.

"Naisip ko 'yong buhay ko na 10 years na akong naglalako, na gusto ko naman na sa office naman po ako magtatrabaho," ani Chua.

Sabi rin ni Chua, gusto niyang makita siya ng mga suki niyang naka-office attire para masaksihan din nila ang pagkakaroon niya ng karera sa buhay.

Sa ngayon, nagtatrabaho na si Chua sa isang kompanya sa Bonifacio Global City (BGC).

Kahit naman empleyado na, tuloy pa rin ang pagbebenta ni Chua ng espongha dahil bukod sa ekstra kita, ayaw niya ring iwanan ang mga suking naging bahagi ng kaniyang pagkakaroon ng diploma.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.