Mga gagawa ng delikadong 'challenge' sa kalsada, binalaan

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 09:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa pagsasagawa ng mga delikadong "challenge" habang nasa gitna ng kalsada. 

Ito ay kasunod ng pagba-viral ng "patawid challenge" kung saan nakikita ang ilang kabataan na tila hinahamon ang mga dumadaan na sasakyan na sagasaan sila.

Sa isang video na kuha ng Manila Bulletin na nagpapakita ng challenge na pinanood ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, makikitang tuwang tuwa pa ang mga kabataan habang nakikipagpatintero sa mga sasakyan sa highway. 

Ikinumpara ni Garcia ang naturang challenge sa nausong “In My Feelings” challenge kung saan ang driver ay kukuhanan ng video ang pasahero na sumasayaw sa kalye habang sinasabayan ang pag-andar ng sasakyan. 

Pero iginiit ni Garcia na “mas delikado” ang kasalukuyang challenge. 

"Hindi natin alam kung under influence ang mga batang ito dahil nakakuha ng ganu'ng lakas ng loob. Talagang mababaliw ka dahil kapag masagasaan ito patay agad, tapos kaagad ang buhay nito," aniya. 

Ayon kay NCRPO chief Guillermo Eleazar, hahanapan nila ng karampatang kaso ang mga lalabag dito. 

"Aalamin namin kung saan nangyari 'yan, hahanapan namin ng kaso para mapagsabihan at para hindi na gayahin ng iba," aniya. 

Maaari rin daw silang damputin ng MMDA at dalhin sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung menor de edad. 

'Batuhan sa highway' 

Samantala, iniimbestigahan din ang ilang insidente kung saan may mga kabataang nambabato umano ng mga windshield sa kahabaan ng C5. 

Ayon sa mga barangay tanod sa lugar, tine-turn over nila sa DSWD ang mga batang 10 hanggang 17 ang edad, na pawang mga out-of-school youth. 

Pinapatawad din umano ang mga magulang pero tumatanggi umano ang mga ito sa partisipasyon ng kanilang mga anak. May mga pagkakataon ding nauuwi sa away ang mga ito. 

Ipinayo din ng MMDA na maging maingat sa pagdaan sa mga lugar kung saan notoryus ang mga nasabing insidente. 

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.