Lalaking may cerebral palsy, 25, naglalako ng balut para sa pag-aaral

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2019 09:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa kabila ng kaniyang kalagayan, matiyagang naghahanapbuhay ang isang 25 anyos college student na may cerebral palsy sa Baguio City para sa kaniyang pag-aaral.

Suot ang kaniyang school uniform, bitbit ng estudyante ng University of the Cordilleras na si Jonel Tejedo ang isang basket na may lamang mga pagkain tulad ng balut, penoy, itlog ng pugo, at chicharon para ilako sa Barangay Lower General Luna.
 
Tila normal ang pagkilos ni Tejedo pero napansin ng Bayan Patroller na si Maria Awing Tauli na nahihirapan itong magsalita.

Nang malaman ang kalagayan ng estudyante, humanga si Tauli sa sipag nito, kaya't kinuhanan niya ito ng larawan at ipinost ito sa Facebook.

Para kay Tejedo, na tatlong taon nang nagtitinda, tuloy-tuloy ang pagpupursigi niya sa buhay.

"Kahit may kapansanan ako, kinakaya ko lang lahat-lahat upang maituwid ang aking katauhan upang hindi hadlang ang kapansanan," ani Tejedo, na isang hospitality management student.

Dagdag niya, pangtustos niya ang kaniyang kita sa kaniyang pag-aaral at para matulungan na rin ang ama niyang taxi driver, at ang ina na dishwasher sa isang kainan.

Hanga ang ina ni Tejedo na si Marie Eleanor sa sipag ng kaniyang anak.

Gayundin ang nararamdaman ng kaniyang amo na si Pablo Erero.

"Ayaw niya masayang oras niya sa paghahanapbuhay para meron siyang konting panggastos lang, pangpasok, kuha ng pamasahe," ani Erero.

"Proud ako kasi kayang-kaya naman po niya 'yung ginagawa niya," dagdag niya.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.