VIRAL: Grab driver di nagpabayad para sa pasaherong isinugod sa 2 ospital

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2019 01:04 PM | Updated as of Jan 08 2019 02:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tampok ngayon sa social media ang kuwento ng isang Grab driver na nagmadaling isugod ang anak ng kaniyang pasahero sa dalawang magkaibang ospital sa Metro Manila. 

Ibinahagi sa social media ni James Brillantes ang kabayanihang ginawa ni Ryan Bueno, isang Grab driver, nang magbook ng biyahe pa-Las Piñas Doctor's Hospital (LPDH) matapos matunogang may pneumonia ang anak madaling araw ng Biyernes. 

Nang ma-book na si Bueno, isinakay sa Grab ang asawa ni James na si Joy at ang may sakit na bata; habang nakasakay naman si James sa kaniyang motorsiklo.

Nang makarating ng ospital, hindi na nagpabayad si Bueno. 

Nakita ng pamilya na mahaba ang pila kaya agad silang nag-book muli papuntang Unihealth hospital sa Parañaque City. Laking gulat nila nang makitang si Bueno muli ang tumanggap ng kanilang Grab booking, ayon sa post. 

Habang papunta ng ospital, ikinansela ni Bueno ang booking para hindi na kakailanganing magbayad ng pamilyang Brillantes. 

Nang makarating ng ospital, binayaran ni Joy ang drayber para sa parehong booking pero hindi niya tinanggap ito. 

"Iniwan sa likod 'yung payment, yet bumaba si kuya para ibalik 'yung bayad kay Joy," kuwento ni James sa post. 

NAKITA ANG SARILI BILANG AMA 

Ikinuwento ni Bueno ang kaniyang karanasan sa "Lingkod Kapamilya" ng radyo DZMM nitong Martes. 

Nang makita ni Bueno ang bata na matamlay, agad siyang nagdasal para gumaling ang bata. 

"Tatay po ako so nararamdaman ko ang nararamdaman niya," kuwento ni Bueno, na may dalawang anak na 2 at 9 taong gulang. 

Dagdag ni Bueno, naka-labas na siya sa 2 kilometrong "radius" para sa mga tatanggap ng mga Grab booking pero kusa pa rin siyang bumalik para tanggapin ang booking at mailipat ang bata ng ospital. 

"Pag ganyang hospital emergency ina-accept agad siya. Priority talaga siya," ani Bueno. 

Aminado si Bueno na nagulat siya nang makita ang post ni James na nag-viral sa social media. Abala kasi siya sa duty noon bilang Grab driver at hindi niya agad nakita ang post tungkol sa kaniya. 

Sa nasabing post, nagpasalamat si James sa alok na tulong ni Bueno para maihatid ang anak sa ospital. 

"God bless you sir and God will pay you back for your good heart," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.