UP NOAH: Sumunod sa building code upang maging ligtas sa lindol

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2019 11:51 PM | Updated as of Dec 17 2019 01:25 AM

Idiniin ni Mahar Lagmay, executive director ng UP Nationwide Operational Assessment of Hazards (NOAH) Center ang kahalagahan ng pagsunod sa Building Code of the Philippines o Republic Act 6541 upang maging tiyak ang kaligtasan sakaling magkalindol.

“Huwag pa nating isipin ang pwedeng gawin kapag naipit na tayo. Marami tayong pwedeng gawin bago pa dumating ‘yung [lindol]. Katulad ng siguraduhin natin na ang ating tinitirahan o kaya condominium ay naaayon sa Building Code. Kasi kapag nasigurado natin ‘yon, malaki na ‘yong tyansa ng ating survival,” ani Lagmay sa panayam sa DZMM Teleradyo nitong Lunes.

Dagdag pa ni Lagmay, kung naitayo ayon sa Building Code ang gusali, hindi dapat ito magigiba.

Nakasaad sa batas ang iba’t ibang sukat ng mga gusali at mga prosesong dinaraan nito upang siguraduhing ligtas itong gamitin.

Nagbigay din ng ilang mga hakbang si Lagmay sakaling maranasan ang lindol.

Kapag nasa loob ng gusali, hintayin munang tumigil ang lindol at sundin ang "dock, hold and cover" nang sa gayon ay hindi mahulugan ng mga dingding at iba pang nahuhulog na mga gamit.

Kapag malapit naman sa pintuan, mungkahi ni Lagmay na lumabas na at humanap open space o mga espasyong walang biyak ang lupa at wala rin mababagsakang gusali.

“Ang iniiwasan natin kaya naman sinasabi natin na dock, cover and hold, kasi habang tumatakbo ka sa labas lumalaki ang tyansa na may mahulog na pader o kaya ‘yung mga bloke at kapag nahulugan ka ‘nun tiyak malaki ang tyansa na ikaw ay masaktan,” ani Lagmay.

“‘Yung hazard ay hindi naman talaga ‘yong earthquake o pagyanig kasi wala naman namang namamatay kung ikaw ay nasa garden o kaya sa open field, hindi ka mamamatay kasi wala namang malalaglag sa’yo,” dagdag ni Lagmay.

Mungkahi rin ni Lagmay na magdala ng whistle at tubig para kung saka-sakaling makulong sa gusali ay may maiinom at pantawag sakaling may paparating na rescue team.