PBA Christmas Classico: ‘Teamwork’ pangontra ng Magnolia sa Ginebra

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2017 07:07 PM

MAYNILA—Aminado si coach Chito Victolero ng Magnolia Hotshots na dehado sila sa PBA Philippine Cup Christmas match-up sa Barangay Ginebra dahil sa kanilang higanteng frontcourt.

Pero ayon kay Victolero, kakayanin nilang matalo ang Ginebra na may "twin towers" -- Greg Slaughter at Japeth Aguilar -- kung magkakaroon sila ng chemistry at teamwork sa depensa at opensa.

Nakaiskedyul ng alas-5:15 ng hapon ang bakbakang Hotshots kontra Kings na gaganapin sa Philippine Arena.

"We're preparing for the game positive and with great optimism. We'll prepare to have the chemistry and teamwork to overcome their roster power advantage," sabi ni Victolero sa PBA website.

Bukod sa higanteng frontcourt, poproblemahin din aniya nila ang beteranong backcourt ng Ginebra -- si LA Tenorio at gayundin ang "never say die" point guard na si Scottie Thompson.

"We have to deal with Greg Slaughter and Japeth Aguilar inasmuch as we have to handle well LA Tenorio, Sol Mercado and Scottie Thompson who are all efficient operators at the backcourt," aniya. 

Aasa ang Hotshots sa mainit na laro ni Paul Lee na umiskor ng 30 sa kanilang panalo sa Alaska Aces, 108-95, sa kanilang unang laro sa Philippine Cup noong Miyerkoles.

Marami rin ang umaasa na masusundan ang magandang PBA debut ni Robbie Herndon na hinangaan sa kanyang clutch performance kontra sa Aces. 

Isa ang Ginebra sa nakikitang kayang tumapat sa 3-time all-Filipino champions na San Miguel Beerman, lalo't kagagaling lang ng koponan sa back-to-back Governors' Cup titles.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.