SEA Games: Mga mahal sa buhay naging ‘sandata’ ng esports gold medalist

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 03:15 PM

Kasama ni Caviar Acampado ang kaniyang magulang at nobya sa entablado nang mapanalunan ang gold medal sa larong Starcraft II. Mark Demayo, ABS-CBN News

MANILA -- Dominado kung ituring ang naging Southeast Asian Games gold medal journey ng Starcraft II player na si Caviar “EnDerr” Acampado. 

Aminado ang batikang manlalaro ng Starcraft II na hindi naging alintana sa kaniya ang pressure ng paglahok sa kauna-unahang esports competition sa laro, lalo’t sinubaybayan ito ng kaniyang mga mahal sa buhay. 

Sa unang pagkakataon kasi nilang nasilayang maglaro nang live si Acampado, na madalas nakikipag-kumpitensiya sa mga tournament sa labas ng bansa. 

“Masayang-masaya na makikita sila kahit papaano. Actually isa sila sa dahilan kung bakit hindi ako kinakabahan,” aniya matapos ang kaniyang pagkapanalo kontra sa kalabang si Thomas Kopankiewicz. 

Agad na nilapitan si Acampado ng kaniyang mga magulang at ang nobyang si Moreen Guese, na pinagkukuhanan niya ng inspirasyon na gumaling pa sa laro. 

Gaya ni Acampado, gamer din si Guese. 

“Isa siya sa motivation ko at siya 'yung talagang sinusuportahan ako,” ani Acampado, na nakilala si Guese noong 2012 sa isang torneyo. 

Ngayong natapos na ang Southeast Asian Games, plano ni Acampado na magbalik-aral matapos huminto ng isang sem sa kursong game development para tutukan ang paglahok sa SEA Games.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.