Para sa SEA Games champ, adbokasiya ang pagturo ng jiu-jitsu sa deaf persons

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2019 06:10 AM

May tinuturuang 15 deaf persons si SEA Games gold medalist Annie Ramirez, at ilan sa kanila ay nagsisimula nang sumali sa mga kumpetisyon. Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

SAN FERNANDO, Pampanga—Para kay Southeast Asian Games gold medalist jiu-jitsu fighter Annie Ramirez, malaking bagay ang inspirasyon at motivation sa kaniyang tagumpay sa combat sports.

Katulad ng tipikal na Pinoy athlete, nanggaling siya sa wala. Hirap siyang makakuha ng pangtustos sa kaniyang training lalo na noong siya’y nagsisimula pa lang.

“Sobrang hirap mag-gather ng pondo. Kaya malaking bagay na nagkaroon kami ng sponsors para sa mga Gi (jiu-jitsu uniform) namin,” kuwento niya.

“Hindi naman kalakihan ang kinikita ko considering na ang mga competition namin sa US or sa Japan, malaking pera ang kailangan. Kaya hindi ko makakalimutan ang mga tumulong sa akin para makarating dito.”

Kaya naman noong nagkaroon ng pagkakataong makatulong si Ramirez ay siya naman ang gumawa ng paraan.

Aniya minsang may pumuntang deaf person sa kanilang dojo para mag-aral ng jiu-jitsu.

“Last year, may nag-start sa amin mag-aral na deaf. Siya ang pinakauna naming deaf student. Pwede naman palang turuan,” sabi ni Ramirez.

Sa tulong ng isang translator na nagtuturo rin sa paaralan ng mga may prublema sa pagdinig, nagagawa nilang magbigay ng instructions sa kanilang trainee.

Mula roon nagsimulang dumami ang kanyang mga estudyante.

Sa ngayon, mayroon na siyang tinuturuang 15 deaf persons. Ang ilang sa kanila ay nagsisimula nang sumali sa mga kumpetisyon.

Malaking bagay raw ito sa kaniya lalo na sa mga panahong bumabangon siya sa pagkatalo niya noong 2018 Asian Games sa Indonesia.

“Binibuild up ko rin ang sarili ko after ng Asian Games na natalo ako at sila ‘yung naging inspirasyon ko,” aniya.

Noong nakaraang Abril, nagawa niyang manalo ng ginto sa Abu Dhabi World Professional Jiu-Jitsu Championship. At nito ngang Martes, nakakuha naman siya ng isa pang ginto sa inaugural staging ng Brazilian jiu-jitsu sa SEA Games.

Parte ng kaniyang tagumpay ang inspirasyon na nakukuha niya sa kanyang natutulungan.

“Masaya ako na nakakatulong ako sa kanila,” sabi ni Ramirez. “At the same time may natututunan din ako sa kanila. Mas magaan ang loob ko na nandyan sila.”

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games