Pinoy surfer di inasahang aani ng papuri sa pagsagip sa katunggaling Indonesian

ABS-CBN News

Posted at Dec 10 2019 04:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi inaasahan ng Filipino surfer na si Roger Casogay na aani siya ng papuri mula sa maraming tao dahil sa pagsagip niya sa katunggaling Indonesian sa gitna ng kanilang laban sa Southeast Asian (SEA) Games.

Isa sa mga nagpasalamat kay Casogay sa pagtulong nito sa kapuwa surfer na si Arip Nurhidayat ang pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo.

"Hindi ko naman po ine-expect na ganoong kalaki pala 'yon. Pero 'yon nga, ang nangyari, parang, 'Wow!'" ani Casogay sa panayam ng DZMM.

Noong Biyernes, sa gitna ng laban ng surfing sa San Juan, La Union, naputol ang leg rope ni Nurhidayat at tinangay siya ng mga malalakas na alon.

Sa halip na ituloy ang laban para makakuha ng medalya, binalikan ni Casogay si Nurhidayat at isinakay sa kaniyang surfboard.

Ayon kay Casogay, normal lang kasi sa kanilang surfers ang maputulan leg rope.

"Sa amin din minsan natatanggalan din kami," aniya.

Ikinuwento ni Casogay na nakita niyang sumesenyas si Nurhidayat na tila humihingi ng tulong dahil hindi ito makabalik sa pampang.

Wala rin daw ibang naglakas-loob na tumulong sa Indonesian surfer.

"'Yong mga taong gustong mag-rescue is parang nagpa-panic na rin," an Casogay.

Nakatakda ring parangalan ng Malacañang si Casogay pagkatapos ng SEA Games, ayon kay Philippine Sports Commission chair William "Butch" Ramirez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games