#SEAGames2019: Sa Japan nahasa ang judo skills ng tubong-Cebu na si Watanabe

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 05:56 AM

SAN FERNANDO, Pampanga—Nasungkit ng Olympic hopeful na si Kiyomi Watanabe ang ika-apat niyang ginto sa Southeast Asian Games judo nitong Huwebes.

Sa taas ng lebel ng kaniyang laro at sa kaniyang edad, di imposibleng makakakuha pa siya ng mas marami pang ginto sa darating pang mga taon.

Pero paano nga ba nadiskubre si Watanabe?

Ayon sa kaniyang inang si Irene, na tubong Toledo City sa Cebu, sa Pilipinas namalagi ang kaniyang anak hanggang sa edad 10 bago sila lumipat ng Japan. Hindi raw nila akalaing magju-judo ang bata.

Noong makitaan nila ng potensyal si Watanabe, sila na mismo ang nakipag-ugnayan sa Central Visayas Judo para masilip ang kaniyang anak na tuloy tuloy ang pagsasanay sa Japan.

“Sabi ko, ‘Ang anak ko po, nagju-judo.’ Sabi nila, samahan daw namin sila sa Tokyo. In-introduce namin sa Japanese coach,” kuwento ni Irene.

Dahil parte na si Watanabe ng all-Japan team sa under 63 kg weight class, hindi na umano pinag-try out pa ng Central Visayas sports officials.

“Pinanood lang nila ang performance niya doon at tinignan ’yung record niya sa Japan,” aniya. “Diretso na siyang nag SEA Games noong 2011 sa Jakarta. Nag-bronze siya roon.”

Nagdire-diretso na siya mula noon. Nakapanalo siya ng tatlong sunod sunod na ginto noong 2013, 2015 at 2017 SEA Games. Pang-apat na ginto na ang nakuha niya nitong nakaraang linggo.

Ipinagmalaki ni Irene na dahil sa galing ng bata ay nakatanggap siya ng karangalan mula sa Toledo City at maging sa Cebu City.

Pagkatapos naman ng SEA Games, mukhang ipagpapaliban muna ni Watanabe ang pahinga. 

Kailangan pa niyang maghanda sa laban sa China Masters kung saan umaasa silang mabuo ang kinakailangang 200 points para tuluyang makasali siya sa Tokyo Olympics.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games