SEA Games: Pinoy muay Thai fighter, umalmang nadaya siya

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 08:20 PM

Kinuwestiyon ni Ryan Jakiri at ng muay Thai federation ng Pilipinas ang desisyon ng referee na icount out si Jakiri, dahilan ng kaniyang pagkatalo. Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

SUBIC BAY FREEPORT ZONE—Nadismaya ang Filipino muay Thai figher na si Ryan Jakiri nang matalo siya kay Norapat Khundam ng Thailand sa Southeast Asian Games finals sa Subic Bay Convention Center nitong Linggo.

Malaki ang lamang ni Jakiri sa kanilang men’s 63.5-kg match nang mahagip siya ng roundhouse sa kaniyang tagiliran.

Napaluhod si Jakiri at nagpalipas ng ilang bilang dahil nahirapan siyang huminga matapos ng tama sa kaniya. Laking gulat na lang niya na sa pagtayo niya sa ikawalong bilang ay idineklara siyang talo.

“Hindi ko nagustuhan ang stoppage sa’kin kasi wala pang 8 counts ini-stop agad niya ang laban. Nagpahinga lang ako,” maluha-luhang paliwanag ni Jakiri na pinapaborang manalo sa laban matapos niyang patulugin ang kalaban sa preliminaries.

“’Yung bilang niya talaga, dun s’ya nagkamali. Eight count pa lang ’yun tapos hindi niya ako tinanong kung kaya ko pa o hindi.”

Pakiramdam tuloy niya na sinadya siyang patalunin ng German referee na si Jens Wilke para paboran ang Thailand na naghahabol ng overall title.

“Parang na-mafia tayo. Ayaw nilang manalo tayo sa muay Thai kasi kung nakuha ko ’yung ginto overall champion kami,” ani Jakiri.

Nanaig ang Thailand sa kumpetisyon na may 4 na gold at isang silver samantalang pumangalawa lang ang Pilipinas sa overall standings sa 3 gold, apat na silver at 2 bronze.

Nagbabalak na magsampa ng reklamo ang Muay Thai Association of the Philippines laban kay Wilke.

Ayon kay MAP president Lucas Managuelod, tinatanggap na nila ang pagkatalo ni Jakiri pero hindi raw nila hahayaang makalusot ang referee.

“That’s why we’re filing a protest before the internal affairs of muay Thai. We’re not questioning the win anymore, it’s OK, but we should sanction the referee,” aniya. “I want him to be sanctioned, if possible to be banned forever.”

“Unfair, unjust ang ginawa niya. Hindi man lang chineck kung fit to fight pa. Wala na basta winave na agad,” he said.

Sinubukang ng ABS-CBN News kunin ng panig si Wilke pero hindi na siya matunton sa loob ng convention center noong awarding ceremonies.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games