'Dati tingga lang sinisipa': Sepak takraw player, nakabili na ng bahay, kotse dahil sa laro

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2019 01:42 PM

Nakamit ni Jason Huerte ang kaniyang unang gintong medalya sa sepak takraw sa Southeast Asian Games sa Subic. Mark Demayo, ABS-CBN News

SUBIC -- Nagsimula ang 26 anyos na si Jason Huerte na tingga lang ang sinisipa. Ngayon, tangan na niya ang gintong medalya mula sa SEA Games. 

At ang kaniyang pagkahilig sa pagsipa dahil naaya ng tropa noon ay siya rin palang magiging tulay para umayos ang kaniyang buhay at makapagpundar. 

Apat na SEA Games na ang nalalahukan ni Huerte na tubong Marikina pero sa nakalipas na anim na taon, tanging pilak at tanso pa lamang ang kaniyang nakukuha. Kaya naman ngayong ikaapat niyang pagsali, hindi maipinta ang kaniyang saya nang maiuwi ang ginto sa kauna-unahang pagkakataon. 

"Simula't sapul iyon na 'yung inaasam ng bawat atleta na makakuha ng gold. At the same time, mapakanta natin 'yung national anthem natin. Nakaka-proud na rito pa sa bansa natin nakuha 'yung gold at the same saksi po 'yung buong bansa natin," ani Huerte sa ABS-CBN News. 

Sa pagkakamit ng gintong medalya, inaalala ni Huerte kung paanong ang noo'y Grade 6 student ay naging kapitan na ng national team ng Pilipinas sa sepak takraw. 

Ayon sa kaniya, nagsimula siya na tingga lamang ang nilalaro sa kanilang paaralan sa Malanday Elementary School noong 2005. Napasama lamang siya sa sepak takraw nang takutin ng kaniyang guro sa Mathematics na ibabagsak siya kung hindi siya sasali. 

"Nung nakita ko po na maganda rito, libre pagkain, lahat... After nun, doon ko naranasan 'yung totoong tropa, totoong pamilya, totoong kaibigan. Doon ko sinabi na mamahalin ko na 'yung sport na ito," pahayag ni Huerte. 

Nagbunyi si Jason Huerte kasama ang kaniyang kakampi sa national team nang makakuha ng puntos sepak takraw team doubles sa 2019 Southeast Asian Games sa Subic. Mark Demayo, ABS-CBN News

Halos 14 na taon simula nang maglaro ng tingga, bukod sa pagiging miyembro ng national team, ay kinuha na rin siya bilang enlisted personnel ng Philippine Air Force upang maging parte rin ng kanilang sepak takraw team. 

Dahil sa mga oportunidad na naibigay ng takraw sa kaniya, nakabili na ng bahay si Huerte noong 2016 at sasakyan naman ngayong taon. 

Hindi akalain ni Huerte na anak ng overseas Filipino workers sa Saipan na mababago ang buhay niya ng dahil sa sipa. Ayon sa manlalaro, bumabalik ang mga alaala ng kaniyang pagsisimula sa isport tuwing nakakita ng mga naglalaro ng sipa gamit ang tingga. 

"Pag nagagawi ako sa school ko, o sa ibang school, nakikita ko 'yung sarili ko sa kanila. Minsan kinakausap ko sila kahit di ko kilala. Minsan sumasali ako magsipa. Tapos sasabihin ko sa kanila, ituloy niyo lang kung ano 'yung ginagawa mo 'yun," pagbabahagi ni Huerte na nakatapos din ng pag-aaral dahil sa sepak. 

Pero sa lahat ng tinatamasang tagumpay, inamin ng atleta na marami siyang naging sakripisyo para lamang marating kung nasaan siya ngayon kabilang na rito ang pagkakawalay sa pamilya.

"Malayo ka sa pamilya mo. Lahat ng mga gusto mong gawin dito sa Pilipinas, 'di mo magagawa. Iisipin mo lagi 'yung flag mo, kung saan ka galing. Marami kaming di nagagwa dahil puro sepak lang ginagawa namin."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

2019 SEA Games