Sa paglipas ng panahon, alamat ni Efren 'Bata' Reyes buhay na buhay pa rin

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2019 02:52 PM | Updated as of Dec 07 2019 03:47 PM

Aminado si Efren "Bata" Reyes na marami nang mga batang player ngayon na mas magaling nang di hamak sa kaniya. George Calvelo, ABS-CBN News


MAYNILA — Naroon pa rin ang signature na ngiti at kamot ng ulo, gusto man niya o hindi ang isang tira. Ngayon lang, maputi na ang kaniyang buhok at limitado ang kaniyang galaw. 

Marami pa rin ang sumadya sa Manila Hotel nitong mga nakaraang araw para masilayang maglaro ng karambola sa Southeast Asian Games ang itinuturing na living legend na si Efren “Bata” Reyes, na ngayon ay 65 na. 

“Pangmatanda” man ang turing ni Reyes sa laro, ang kada puntos niya ay sinabayan ng palakpak ng mga manonood. Tila kinabahan pa sila habang paunti-unting lumapit ang cue ball sa ikatlong bola na dapat tamaan. 

Kung bitin man at mintis ang inabot, sinasabayan ito ng pagdaing. Napapangiti na lang minsan ang batikang manlalaro; minsan napapailing din. 

Lumakas ang palakpakan nang tamaan ni Reyes ang huling puntos na nagbigay sa kaniya ng panalo kontra sa isang player ng Thailand.

Pero aniya, ang dating galing sa mga trick shot kung saan una siyang nakilala, "wala na" dahil sa isang shoulder injury. 

“’Yung mga tinitira ko dati na magic, wala na rin. Di na gumagana. Kailangan ang gamot dito, therapy pero siyempre siguro pagkatapos nito,” paliwanag niya sa isang presscon. 

Imbes na mainis o magmukmok, ngumingiti na lang si Efren "Bata" Reyes sa tuwing may sablay itong tira o maling galaw. George Calvelo, ABS-CBN News

‘TATAY EFREN’ 

Ang paghanga ng madla kay Reyes ang siyang nagtulak sa ilang kalahok sa SEA Games para magpursige, gaya ng batikang bilyaristang si Rubilen Amit na nakapares si Reyes sa world mixed doubles. 

Dose anyos si Amit nang unang makapanood ng torneo ni Reyes, at ngayo’y parehas na silang nasa world-class level. Hindi pa rin siya makapaniwalang kasama niya ang kaniyang idolo. 

"Kami nga na nakakasama niyang atleta, lagi nagpapa-autograph. Pumapayag naman," aniya sa isang panayam sa ABS-CBN News. 

“Dati hindi ko nga iyon kinakausap hangga't di ako kinakausap dahil nahihiya nga ako. Starstruck talaga ako. 

“Tapos noong in-email ako ng Dragon Promotions, which was the organizer for the world mixed Doubles, noong nakuha ko ’yung emails, ang tagal kong nakatitig sa monitor. Parang: ‘Grabe, I'll be paired with my idol.’ Sobrang tapos noong naglaro na kami parang ako naging beginner kasi hiyang-hiya ako.” 

Sakaling magretiro si Efren "Bata" Reyes, walang dudang iiwan niya ang kaniyang isport bilang GOAT nito o greatest of all time. George Calvelo, ABS-CBN News

Nadala rin ito sa mga mas bata pang mga player gaya ni Jeffrey Ignacio, isa sa pambato ng bansa sa 9-ball doubles. 

Lumaki man si Ignacio sa pamilyang mahilig maglaro ng bilyar, isa pa rin aniya sa kaniyang inspirasyon si Reyes sa pagtungtong sa professional level. 

Sa katunayan, nagbibigay pa raw si Reyes, na kung tawagin ay “champ,” ng iba’t ibang payo. 

“Minsan dati kasi mabilis ako maglaro, so lagi ko tinatanong sa kaniya, ‘Champ, paano ba’ng gagawin ko?’ Kung ano ang speed ko sasabihin niya sa akin. Basta ilaro mo lang kung ano rhythm mo,” ani Ignacio sa hiwalay na panayam. 

Sa paglahok ni Reyes sa SEA Games, hangad ni Amit na makalaro pa ito “hanggang mag-80 years” pa ang batikang manlalaro. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.