SEA Games: Malaking hamon naghihintay kay Bata Reyes sa karambola semis

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 02:36 PM

Kahit matinding hamon ang naghihintay sa kaniya sa semis ng 1-cushion carom ngayong Biyernes, determinado si Efren "Bata" Reyes na makakuha ng upset. George Calvelo, ABS-CBN News

Inamin ni billiards legend Efren "Bata" Reyes na di magiging madaling talunin ang Vietnam sa karambola sa kasalukuyang Southeast Asian Games.

Kakaharapin ni Reyes si Dinh Nai Ngo sa semifinals ng 1-cushion carom sa Manila Hotel Tent alas-4 ng hapon ngayong Biyernes.

“Dito sa karambola, pinakamalakas na kalaban talag Vietnam,” ayon kay Reyes.

“Kamukha natin, lumalaban din yan all over the world. Sa karambola, sila tinatawag na world champion ngayon.”

Sa kabila ng mga tropeo, parangal at milyon-milyong prize money na natanggap na ni Reyes sa isang pro career na nagsimula pa noong 1970s, di pa siya nananalo ng ginto sa SEA Games ang tinaguriang "Magician" ng world billiards.

Kahit matinding hamon ang naghihintay sa kaniya ngayong Biyernes, determinado si Reyes na makakuha ng upset.

“Pipilitin ko talunin, pero magaling (si Dinh),” ani Reyes.

“Baka mamaya, sumama din tira nun at gumanda tira ko bumalik.”

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.