Wala sa edad: Atleta sa UAAP, nagpaparamdam ng bagsik sa SEA Games beach volley

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 03:00 PM | Updated as of Dec 04 2019 03:50 PM

Nais ng mga batang manlalaro na sina Jaron Requinton at James Buytrago na makakuha ng medalya sa men's beach volleyball ng 2019 Southeast Asian Games sa Subic Tennis Court. Mark Demayo, ABS-CBN News

NEW CLARK CITY -- Bagito pero 'di papatalo. 

Iyan ang pinapatunayan ng mga UAAP standout na sina Jaron Requinton at James Buytrago sa pagpapatuloy ng aksyon sa men's beach volleyball ng 2019 Southeast Asian Games sa Subic Tennis Court. 

Sa patimpalak na lamang ang may mas maraming karanasan, unti-unting nagpaparamdam ng angking galing ang 19 anyos na si Requinton at 21 anyos na si Buytrago sa buhangin matapos sumukbit ng dalawang panalo sa preliminary round ng torneo. 

Kagagaling lamang ng dalawa sa matagumpay na kampanya sa UAAP beach volleyball kung saan mas nanaig si Requinton ng University of Santo Tomas kontra kay Buytrago ng National University na pawang second year pa lamang sa kolehiyo. 

"Nakaka-overwhelm po individually pero at the same time nakaka-proud po na hindi na lang 'yung school namin 'yung nire-represent namin kundi Philippines na po," ani Requinton sa ABS-CBN News. 

Aminado ang dalawa na dehado sila sa maraming katunggali lalo pa't hindi pa sila masyadong nakakalahok sa malalaking beach volleyball tournaments. Kaya naman, bagamat nakaranas ng talo sa kamay ng nagdedepensang kampeon na Indonesia, hindi pa rin nababawasan ang kumpyansa ng dalawa. 

"'Yung sa amin, hindi naman kami natalo, parang panalo 'yun kasi may natutunan kami sa kanila. Sobrang laking tulong 'yung makalaban 'yung pinakamalakas na team sa SEA Games," kuwento ni Buytrago. 

Ngunit may nakikita naman aniya silang kalamangan sa kalaban lalo pa't bata pa sila. Maaari nila umanong magamit ang kabataan sa bilis at liksi. 

"'Yung endurance po kasi kapag matanda ka na madali ka na mapagod. Pero sa 'ming mga bata, marami pa ring nagagawa. Pinu-push pa kami," saad ni Buytrago. 

Isang linggo lamang nakapag-ensayong magkasama bilang mag-partner si Requinton na taga-Sta. Maria, Bulacan at ang Cebuanong si Buytrago. 

Reserved player lamang si Requinton, rookie of the year ng UAAP, noong una ngunit nagka-injury ang unang kapareha ni Buytrago na si Krung Arbasto isang linggo bago ang SEA Games. 

Bagamat saglit lamang nagkasama sa pagsasanay, kinakitaan ng magandang pagsasama ang dalawa sa loob ng court nang talunin ang Timor Leste, 21-13, 21-16, at Malaysia, 21-19, 22-20. 

"Sabi lang po namin sa isa't isa mag-communicate lang nang maganda sa loob ng court. One week lang kami nag-training tapos parehas pa kaming bata so walang seniority," pagbabahagi ni Requinton. 

Ayon sa UST Tiger Spiker, nahirapan ito sa pag-adjust ngunit inilaban niya para sa bansa. Sa Subic na aniya nalaman na siya na ang lalahok para sa palaro na ikinagulat niya lalo pa't maganda na umano ang chemistry nina Buytrago at Arbasto.

Pasok na sa semifinals ang mga atleta kasama ang tandem nina Jude Garcia at Edmar Bonono na umaasang masusungkit ng bansa ang kauna-unahan nitong medalya sa men's beach volleyball sa kasaysayan ng SEA Games. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.
 

2019 SEA Games