SEA Games: Pinay champ, patunay na di pangmayaman na sport ang fencing

Jeff Canoy, ABS-CBN News

Posted at Nov 20 2019 11:12 PM | Updated as of Nov 22 2019 07:25 PM

Pambato ng Pilipinas si Samantha Catantan sa Southeast Asian Games fencing. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Sa tingin ng marami pangmayaman na sport ang fencing.

Pero isang Pilipinong atleta na sasabak sa 2019 Southeast Asian Games ang nagpapatunay na pangmasa rin ito.

Siya si Samantha Catantan, ang 17 taong gulang na scholar sa fencing na kauna-unahang Pinoy fencer na nag-uwi ng gintong medalya mula sa Asian Games under-23.

Watch more in iWant or TFC.tv

Si Catantan ay isa sa mga pambato ng Pilipinas ngayon sa 2019 SEA Games.

Nito lang Nobyembre, nakuha niya ang ginto sa 2019 Taipei Open para sa women’s foil.

“Nu’ng sinabitan ako ng medalya (sa Asian Games), parang naisip ko, ‘Hala, gold ba talaga ko? Totoo ba to?’ Ganu’n. Kasi ’yun nga, para sa fencing, sa history ng fencing, first Asian medal namin sa individual so sobrang thankful ako, sobrang overwhelmed ako na nakuha ko ’yun para sa Philippines,” aniya.

Silver medal naman ang nakuha niya noong 2017 SEA Games na gusto nyang higitan ito ngayong taon.

Iyon lang, mahirap ang training lalo’t sabay sa pag-aaral.

“Ito talagang year na ’to sobrang pressured ako. Sobrang stressful siya kasi graduating ako sa high school ngayon tapos nag-e-aim din ako sa honors tapos s’yempre SEA Games,” aniya.

Gusto niyang ipakita na hindi larong pangmayaman ang fencing gaya ng iniisip ng marami.

Family driver ang ama ni Catantan habang housewife ang kaniyang ina.

Nine years old siya nang yayain ng kanyang lolo sa barangay para sumali sa isang clinic kung saan tinuturo ng libre ang fencing. 

Nagustuhan niya at nakitaan ng mga coach ng talent lalo’t nanalo ng medalya sa tournament agad.

Nabigyan ng scholarship hanggang makapasok sa national team sa edad na 15 years old.

“Larong pangmayaman daw, ’yun talaga. Kasi ang mahal talaga ng mga gamit namin. Ganu’n lang din ako nag-umpisa, sa hiram-hiram lang ng gamit. Salit-salitan lang kami ng mga teammates ko,” kuwento niya.

Ayon sa kanyang inang si Aileen: “Malaking bagay na nakapasok si Sam sa fencing, kasi unang-una hindi kami nahirapan na paaralin sila. Napakalaking bagay na nabigyan sila ng 100% na scholarship with allowance pa. 

“Tapos, pangalawa, nu’ng naging national team s’ya. Yung age ni Sam na high school na ’yun, nakakatulong na sya sa amin kasi lahat ng allowance n’ya, hindi n’ya naman binibigay ng buo, tinatabi n’ya. Pero ’pag kailangan namin, ibibigay n’ya ’yun at lahat ’yun hindi n’ya pinagdadamot sa mga kapatid n’ya.”

Ramdam ni Catantan ang pressure para makuha ang ginto sa SEA Games at tulungan ang team na ibalik sa mapa ang Pilipinas sa larangan ng fencing.

Pero para sa kaniyang mga magulang hindi na matutumbasan ng kinang ng ginto ang naipamalas na galing ng kanilang anak.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games