Ilang venue, kagamitan para sa SEA Games nakitaan ng ilang suliranin

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2019 10:56 PM | Updated as of Oct 16 2019 11:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May ilang suliranin pa ring nakikita ang ilang may kinalaman sa paghahanda sa ika-30 Southeast Asian Games na gaganapin sa New Clark City at sa ilan pang venue sa Luzon. 

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, tinitingnan din kung paano gagawing maayos ang pagdagsa ng mga tao sa araw ng palaro. 

"You'll have more than 20,000 people, you have 56 sports and around 500 events handling all of these traffic, tapos may mga royalty din at heads of state na puwedeng dumating," ani Cayetano sa pagpresenta ng ilang pasilidad sa New Clark City, bayan ng Capas, Tarlac.

Sa ngayon, handa na ang mga swimming pool at diving platforms sa aquatic center, maging ang mga lugar na pinamahalaan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), ayon sa House Speaker. 

Tinatapos pa sa ngayon ang ilang bahagi ng paligid ng stadium gaya ng bakod sa warm-up track. 

Nasa ilalim ng Philippine Sports Commission ang mga lugar na hindi pa tapos, ayon kay Cayetano. 

Bukod dito, hindi pa raw natatanggap ng ilang sports associations ang mga equipment na gagamitin para sa tournament. 

Ang Philippine Olympic Committee aniya ang nakaatas sa pagpapaabot ng ibang equipment na kulang, ayon kay Cayetano. 

Tiniyak naman ng POC na darating sa oras ang mga kulang na kagamitan, dagdag niya. 

"Inako ng POC ang pag-procure and President Bambol Tolentino of POC assured us na on time ang equipment na darating," ani Cayetano. 

Gaganapin ang SEA Games simula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, 2019. 

— Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.