PBA: Calvin Abueva, OK nang mag-practice kasama ang Phoenix

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 09:49 PM | Updated as of Sep 25 2019 11:13 PM

Pinayagan na ang kontrobersyal na PBA player na si Calvin Abueva na lumahok muli sa mga practice ng Phoenix Pulse, tatlong buwan matapos siyang patawan ng indefinite suspension ng liga.

Ito ay matapos siyang makipagpulong kasama si PBA commissioner Willie Marcial, Phoenix team manager Paolo Bugia, PBA technical director Eric Castro at attorney Melvin Mendoza nitong Lunes, ayon sa ulat ng Spin.ph

Matatandaang sinuspinde si Abueva matapos ang kaniyang clothesline hit kay Terrence Jones ng TNT.

Ani Marcial, hiniling ni Abueva na makapag-ensayo siyang muli upang makabalik sa tamang playing condition.

Pero nilinaw ni Marcial na wala pang eksaktong timetable para sa pagbabalik ni Abueva sa aktuwal na laro.

Kailangan pa umanong dumaan sa maayos na proseso at sundin ang ilang kondisyon para sa kanyang comeback. 

Bukod sa kanyang away kontra Jones, nasangkot din sa iba pang kontrobersiya ang small forward tulad ng kanyang pakikipag away sa kanyang asawa at sa pagsali sa “ligang labas.”

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.