Track stadium, swimming arena na gagamitin sa SEA Games ipinasilip

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2019 09:14 PM | Updated as of Aug 30 2019 09:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang 18 buwang pagtatrabaho, halos gawa na ang mga track at aquatic stadium sa New Clark City sa Tarlac na layong gamitin para sa ika-30 Southeast Asian Games.

Ayon kay Bases Conversion and Development Authority president Vince Dizon, inspired ang disenyo ng aquatic stadium sa mga lambat ng mga mangingisda sa Central Luzon.

Hango naman sa mga Capiz windows ang bubungan ng estraktura.

"Ang design inspiration natin ay mga panglad. Mga net ng mangingisda dito sa Central Luzon, sa Pilipinas. At ang makikita niyong parang transparent at translucent na roofing, ang depiction namin ay capiz windows na nakakalat dito sa Central Luzon," ani Dizon.

Mayroon ding 50 metrong warm-up pool at diving platform ang stadium at nasa 2,000 ang seating capacity nito. Sa swimming arena din gaganapin ang water-polo event ng SEA Games.

Aprubado rin ng world governing body na FINA ang estraktura.

Samantala, 20,000 ang kapasidad ng track stadium, kung saan gagawin ang mga athletics events.

Sa stadium din gaganapin ang closing ceremony.

Sanctioned din ang stadium ng IAAF, hudyat na maaaring idaos dito ang iba pang multi-sport competitions gaya ng Asian Games at Olympics. May katabi rin itong warm-up oval track.

Eksklusibo ring ipinasilip ang cauldron na ginawa ng namayapang National Artist na si Bobby Mañosa.

Masusubukan ang pools at track oval sa National Open na gaganapin simula Sabado, Agosto 31. — Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.