Discipline zone ipinatutupad sa Capas, Tarlac bilang paghahanda sa SEA Games

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2019 10:31 AM

Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Capas, Tarlac ang kampanya sa kalinisan at kaayusan sa bayan bilang paghahanda sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games.

Ito ay para maipamalas umano sa mga kapwa Pilipino at sa mga bisita mula sa iba't ibang panig ng rehiyon na disiplinado ang mga taga-Capas.

Ipinagbabawal na ring gumitna sa daan ang mga tricycle, motorsiklo, pampasaherong jeepney, at kuliglig sa MacArthur Highway sa bayan alinsunod sa "keep right policy" ng munisipyo para sa lahat ng slow moving vehicles.

“Ang [unang] penalty na P500, pangalawa ay P500 pa rin. Pero sa pangatlo ay irerekomenda namin sa LTO ang pagkansela ng kaniyang lisensya at 'yung prangkisa tatanggalan po namin sila ng prangkisa,” pahayag ni Capas Mayor Rey Catacutan.

Full force ang mga pulis at barangay officials na nagbabantay sa mga motorista sa kahabaan ng highway. Nakaabang ang mga naninita mula sa boundary ng bayan ng Bamban hanggang Tarlac City, pati sa Capas-Botolan road.

“Wala na po 'yung ganyang kakilala, dapat pagka-nagkasala dapat po talagang walang patawad po para maging disiplinado,” ani Ruben Nolasco, kapitan ng Brgy. Cutcut 1.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.