NBA: Sino ang panalo sa Kyrie Irving trade -- Cavaliers o Celtics?

ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2017 10:09 AM | Updated as of Aug 23 2017 12:31 PM

Bumuluga sa mga Pinoy NBA fans Miyerkoles ng umaga ang pagkaka-trade ni Kyrie Irving mula sa Cleveland Cavaliers tungo sa Boston Celtics kapalit ni Isaiah Thomas at tatlo pang mga player.

Simula nang humingi ng trade si Irving kamakailan dahil hindi na raw siya umano masaya bilang No. 2 option kay LeBron James sa Cleveland, nagsimulang maglitawan ang spekulasiyong maghihiwalay sina Irving at ang koponang nag-draft sa kanya noong 2011 bago pa man mag-umpisa ang bagong season.

Sa blockbuster deal na ito, makukuha rin ng Cleveland sina forward Jae Crower, center Ante Zizic at isang 2018 first-round draft pick.

Tatlong buwan pa lamang ang nakalilipas mula nang i-sweep nina Irving at ng Cavaliers ang Celtics sa Eastern Conference finals. Base sa pagkakalampaso ng Cleveland sa kanilang kumperensiya, tila matagal-tagal pa bago matatanggal sa trono ang tropa ni James, ang tinaguriang "The King" ng liga.

Ngunit pagkatapos ng mga mabibigat na transaksiyon ng Celtics ngayong off-season, mukhang nanganganib na ngayon ang kapit ni James sa kanyang korona .

Ginamit ng Boston ang No. 3 draft pick para piliin si Jayson Tatum at pagkatapos nito'y nasungkit ng Celtics si all-star forward Gordon Hayward mula sa Utah Jazz sa pamamagitan ng free agency.

May pinalakas na ngayong Big 3 ang Boston sa katauhan nina Irving, Hayward at sentrong si Al Horford na maaaring magbigay-kaba ngayon sa mga Cavaliers fans.

Hindi rin lugi ang Cleveland kay Thomas, na nagtapos ng career-high numbers sa scoring (28.9 points, 46.3% field-goal shooting, 91% free throw shooting) nitong nakaraang season at naging all-star dalawa sa tatlong taon niya sa Boston.

Ngunit kahit gaano kagaganda ang itinatalang mga numero ng 5-foot-9 na point guard, ang kakulangan niya sa height at pagiging liability nito sa depensa dala ng kanyang kaliitan ang pangunahing butas sa kanyang laro.

Kung 100% nga ba ang kanyang health matapos niyang ma-injury ang kanyang kanang baywang sa serye ng Cleveland-Boston nitong Mayo ay isa pang isyu kay Thomas, ang huli at ika-60 na pick noong 2011 rookie draft, taong naging No. 1 pick si Irving.

Kay Irving, makakuha ang Boston ng isang Olympic champion, NBA champion at versatile scorer na itinuturing na isa sa mga pinakamahirap na guwardiyahan sa liga.

Kung paano magkakasundo sina Irving, na nais maging No. 1 option sa opensa, at Hayward, nasanay na leading man sa panahon niya sa Utah, ang isang storyline na susubaybayan ng mga NBA fans.

At hindi na nila kailangang maghintay pa ng matagal para makita ang bakbakang Cleveland-Boston. Opening night sa ika-17 ng Oktubre maghaharap ang dalawang koponan sa Cleveland.

Sa inyong opinyon, sino ang nanalo sa Irving-Thomas trade -- ang Cavaliers ba o ang Celtics?

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.