PBA: Jones, tiwalang mananaig ang TNT sinuman ang kalaban nila sa finals

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2019 06:04 PM

Binuhat ni Terrence Jones ang TNT KaTropa pabalik sa PBA finals matapos magtala ng panibagong triple-double performance sa Game 4 ng Commissioner's Cup semifinals.

Nanigurado si Jones na matatapos na nito ang serye nang tumipa ng 24 puntos kasama ng 13 rebounds at 10 assists.

Dahil sa panalo, binuksan ng mga KaTropa ang pinto palabas para sa Barangay Ginebra habang papasok ito sa Finals sa unang pagkakataon makalipas ang dalawang taon.

Naniniwala si Jones na kahit sino ang makaharap nila sa championship, malaki ang tsansa na dadaigin nito ng KaTropa.

“Man, I like my team vs. anybody,” ani Jones.

“We worked very hard this whole year to create this chemistry and belief in one another. We’re gonna continue on having that same belief in each other.”

Tangan ng San Miguel Beermen ang kalamangan sa serye kontra sa Rain Or Shine sa isa pang semis bracket, 2-1.

Nakalusot patungo sa title series ang KaTropa bilang no. 1 seed sa likod ng 3 talo lamang sa buong komperensiya.

Bagamat tiwala ang manlalaro sa kaniyang team, sinabi nito na hindi sila ang paboritong manalo sa kampeonato. Hindi pa nakakatikim ng titulo ang KaTropa mula noong 2015.

Kaya naman pursigido si Jones na tapusin ang kaniyang trabaho sa koponan bitbit ang pinakamalaking tropeyo pagkatapos ng liga.

“This is my first time here so I’m just experiencing everything and taking it one game at a time. I don’t feel like we’re the favorites,” pag-amin ni Jones.

“I know we haven’t won in a long time so we feel we’re the underdogs, we’re gonna come in excited an trying to get something special done that hasn’t happened for our organization in a long time."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.