‘Wala namang personalan’: Pacquiao dedma sa pagtatalak ni Thurman

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 05:18 PM

Ayon kay Pacquiao, hindi na niya kailangan pang patulan ang pagtatalak ni Thurman at mas angkop na sa ring na lang nila patunayan ang kanilang bagsik. Apu Gomes, AFP

Hindi pinepersonal ng Pinoy boxing legend na si Manny Pacquiao ang mga pasaring ng katunggaling si Keith Thurman sa bisperas ng kanilang laban sa Las Vegas, Nevada sa Linggo (Manila time). 

Ayon kay Pacquiao, hindi na niya kailangan pang patulan ang pagtatalak ni Thurman at mas angkop na sa ring na lang nila patunayan ang kanilang bagsik. 

"For me nothing is personal... Our job is to fight. He has to prove something, and I have to prove something. It's easy to say things. But it's not so easy to do it in the ring," ayon kay Pacquiao.

(Walang personalan. Trabaho namin ang makipagboksing. Kailangan may patunayan siya, at kailangan may patunayan din ako. Madali kasing magsalita pero mas mahirap ang makipaglaban sa ring.)

Ito ang reaksyon ni Pacquaio sa mga sinabi ni Thurman na tapos na ang oras ng Pinoy legend. 

"It is my time. This is one time. Manny Pacquiao ain't doing nothing to me, baby... This is a once in a lifetime opportunity to destroy a legend," sabi ng Amerikanong boksingero.

(Oras ko na ito. Wala nang magagawa si Pacquaio... Isa itong pambihirang pagkakataon para wasakin ang isang alamat.)

Pag-aagawan nina Pacquiao at Thurman ang WBA world welterweight title. 

Balak sungkitin ni Pacquiao ang WBA "super" welterweight crown ni Thurman, na itinuturing na pinakamahalagang championship belt sa dibisyon.

Ito na ang ika-71 beses na sasampa sa ring si Pacquaio, na isa nang 40 anyos na senador sa Pilipinas. 

Ang laban niya kay Thurman ang sinasabing pinakamahirap niyang laro sunod sa bakbakan nila ni Floyd Mayweather noong 2015.

—Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.