‘I’m thinking about that’: Pacquiao target bumili ng NBA team?

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2019 08:46 PM

Hindi kaila ang pagkahilig ng Pinoy boxing legend na si Manny Pacquiao sa isang pang tanyag na sports: ang basketball.

Sa katunayan, itinatag niya ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), isang semi-professional basketball league na kasalukuyang namamayagpag sa Pilipinas.

Sa panayam ng website na TMZSports.com, tinanong si Pacman kung nakikita ba niya ang kaniyang sarili bilang investor o part owner ng isang National Basketball Association (NBA) team.

Tugon ni Pacquiao: "I'm thinking about that. Actually I already own a league in the Philippines. MPBL you can google it. I love basketball also."

Hindi naman ito malabo kung pagbabasehan ang salaping naipon ni Pacquiao.

Ayon sa ulat ng Forbes, aabot sa $500 milyon ang napanalunan ni Pacquiao sa kaniyang pambihirang boxing career. Noong nakaraang taon, di bababa sa $26 milyon ang kinita ng boksingero.

Pero sa ngayon, tutok muna ang "Pambansang Kamao" sa nalalapit niyang laban sa Amerikanong si Keith Thurman sa Las Vegas.

Pag-aagawan nina Pacquiao at Thurman ang WBA world welterweight title.

Ito na ang ika-71 beses na sasampa sa ring si Pacquaio, na isa nang 40 anyos na senador sa Pilipinas.

Ngunit giit ni Pacquiao, nakikita niya ang kaniyang sarili na naglalaro pa rin ng boksing hanggang siya'y mag-45.

"I feel like young, like late 20s . . . This is a blessing." — Isinalin mula sa ulat ng TMZ Sports

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.