PBA: Phoenix inaming ramdam ang pagkawala ni Calvin Abueva

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 09:40 PM

Aminado si Phoenix Pulse coach Louie Alas na ramdam nila ang pagkawala ni Calvin Abueva habang patuloy pang hinaharap ni “The Beast” ang kanyang suspensiyon.

Dahil wala si Abueva, napepeligro ang kampanya ng Fuel Masters para sa kasalukuyang PBA Commissioner’s Cup.

“Kasi alam naman natin lahat kung ano dinadala ni Calvin. Medyo high risk, pero high reward din naman,” ani Alas sa artikulong lumabas sa ABS-CBN Sports.

Matatandaang pinatawan ng indefinite suspension si Abueva matapos makipagbanggan sa TNT import na si Terrence Jones. 

Sa ngayon, sumasailalim umano sa “rehabilitation” si Abueva.

“ ’Yun nga ’yung ina-ano namin sa kaniya ngayon. Ire-rehab ’yung anger management. Di naman anger management, pero ’yung pagre-react lang niya sa situation,” ayon kay Alas.

“Pero ’yun si Calvin, du’n siya effective. Sabi ko sa kanya mag-tone down ka lang kasi kapag na-check mo ’yung emotions mo, wala naman tayong problema sa ’yo. Mabait ka namang tao.”

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.