PBA: Abarrientos ginunita ang muntik niyang pagsabak sa NBA

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2020 10:29 PM | Updated as of Jul 10 2020 12:17 AM

Maaaring higit 20 taon na ang nakalilipas ngunit di pa rin matanggal sa isip ni PBA legend Johnny Abarrientos ang panahong sinuyo siya ng Charlotte Hornets na maglaro sa NBA.

Kuwento ng 1996 MVP, naghahanap umano ang Hornets ng isang point guard na pwedeng pumalit kay Muggsy Bogues.

"Noong una, hindi rin ako makapaniwala doon. Inalam ko kung paanong nangyari ba't pumunta 'yung scout ng Charlotte dito to watch me," ang kuwento ni "Flying A" sa PBA Kamustahan.  

"Bumisita siya and at the same time nanood siya ng PBA. Kalaban namin noon Purefoods if I'm not mistaken. After ng game, medyo maganda 'yung game ko, na nanalo kami, in-interview niya ako."

Nagpasama si Abarrientos kay head coach Tim Cone sa meeting na naganap sa Manila Peninsula.

Isa sa kundisyon na hiningi ng scout ay kung maaari raw siyang mag-ensayo ng ilang buwan para sa Hornets.

"Siyempre nasa gitna kami ng PBA, hindi ako makapag-decide. Si coach Tim hindi rin niya alam kung gaano kaseryoso," pag-alala ni Abarrientos..

Pero nakaapekto raw sa recruitment ang ownership issues ng koponan. Ito raw ang dahilan kung bakit hindi siya natuloy sa NBA.

"If I'm not mistaken, tatlo 'yung may-ari ng Charlotte. 'Yung grupo ni Joe Betancourt parang nabenta na 'yung shares nila, so nawala na 'yung chance na may i-offer ulit sa akin," ani Abarrientos.

Bagama't hindi siya pinalad na makuha ng Charlotte, umaasa si Abarrientos na balang araw may isang homegrown Pinoy na makakalaro sa NBA.

Para sa kaniya, maaaring isang 7-footer na phenom ang unang makakagawa nito.

"Hoping ako ang praying that one day sana si Kai Sotto mabigyan siya ng chance. Siya na ang pinaka close na makapasok doon," sabi ni Abarrientos.

Dagdag niyang good move daw para kay Sotto ang mag-train sa US.

"Sana sa kanya na mapunta 'yung (tsansa) para hindi rin tayo maiwan sa larangan na paborito natin," dagdag ni Abarrientos, na kasalukuyang deputy coach sa Magnolia Hotshots.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.