PBA: Marcial kay Isaac Go matapos ang 5-on-5 practice — ‘Mag-iingat next time’

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 12:31 AM

Hindi na ipapatawag pa ng PBA commissioner's office si Isaac Go sa kabila ng partisipasyon nito sa isang 5-on-5 practice sa gitna ng general community quarantine.

Ito ang pahayag ni commissioner Willie Marcial, matapos ang insidenteng kinasasangkutan nina Go, Japeth Aguilar, Adrian Wong at Thirdy Ravena. 

Tanging sina Aguilar at Wong lang ang pinatawag ni Marcial para magpaliwanag sa Lunes, at hindi na sina Go at Ravena. 

Kabilang pa rin si Go sa Gilas Pilipinas program kahit No. 1 pick siya ng PBA special draft na ginanap nitong Disyembre, habang papuntang Japan naman si Ravena para maglaro.

"Kinausap ko na si Isaac Go, pero hindi na siya kasama sa ipinatawag ko," ani Marcial sa panayam sa ABS-CBN News.

"PBA draftee nga siya pero kasama siya sa Gilas, kaya pinagsabihan ko na lang na mag-iingat next time."

Ayon kay Marcial, napanood niya ang video kung saan makikitang nag-eensayo ang mga nasabing player sa isang private court.

Base sa GCQ guidelines, ipinagbabawal pa rin ang 5-on-5 na laro.

Dagdag ni Marcial, gusto muna niyang marinig ang panig nina Aguilar at Wong bago pagdesisyunan ang karampatang parusa. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.