PBA: Abueva nakipagpulong sa commissioner para makabalik sa liga

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 05:15 PM

Nagsumite ng letter of apology ang Phoenix star na si Calvin Abueva sa Office of the PBA Commissioner. Josh Albeda, ABS-CBN Sports

MAYNILA -- Nakipagpulong na kay PBA commissioner Willie Marcial ang kontrobersyal na Phoenix star Calvin Abueva kamakailan lang para umano lakarin na ang pagbabalik niya sa liga.

Matatandaang pinatawan ng indefinite suspension si Abueva matapos patumbahin sa pamamagitan ng clothesline ang TNT import na si Terrence Jones.

Nag-sumbit pa raw ng letter of apology si Abueva para ipakitang seryoso siya sa paghingi ng paumanhin sa liga.

Kinumpirma ni Marcial sa report ng Spin.ph ang kanilang pagkikita, pero hindi niya idinetalye ang dahilan ng kanilang pagpupulong. 

Bukod sa indefinite ban, pinagbayad rin si Abueva ng P70,000 dahil sa pangyayari na nagresulta ng flagrant foul number 2 laban sa Phoenix player. 

Ang pagbanat ni Abueva kay Jones ay ganti ng una nang binira ng import si Abueva below the belt. Hindi napituhan ng referee si Jones noon sa kabila ng pananakit kay Abueva.

Pero noong huli ay pinatawan rin si Jones ng P50,000 na multa na nadagdagan pa ng P20,000 dahil sa paninita sa isang game official.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.