Coach Pido sa sagutan nila ni Phoenix import Howell: 'Siya ang nauna'

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 07:27 PM

“May sinasabi ako kay Mo (Tautuaa) tapos minura niya (Richard Howell) ako," ayon kay coach Pido Jarencio. File photo/Richard Esguerra, ABS-CBN Sports

Iginiit ni NorthPort coach Pido Jarencio na wala siyang ginawang kung ano man para murahin umano ni Phoenix import Ricard Howell.

Nagkasagutan ang dalawa sa huling yugto ng laro sa pagitan ng kanilang mga koponan nitong Miyerkoles na muntik nang mauwi sa suntukan. Naawat ng mga player ang dalawa kung kaya naampat na ang bangayan.

Ayon kay Jarencio, kinakausap niya ang kanilang player na si Moala Tautuaa noong lapitan sila ni Howell sa harap ng NorthPort bench.

“May sinasabi ako kay Mo tapos minura niya (Howell) ako. May sinasabi akong play,” ani Jarencio sa report ng ABS-CBN Sports.

“Nagulat si Kevin (Ferrer) so lumapit si Kevin, bakit ako minumura eh may sinasabi lang ako kay Mo.”

Napatawan ng tig-isang technical si Jarencio at Howell dahil sa kanilang murahan. Sa huli, nanalo pa rin ang Phoenix kontra sa NorthPort, 97-87. 

Pero iginiit ni Jarencio na nag-react lang sila sa mga sinabi ni Howell.

“Bigla niya akong mumurahin. Kaya si Kevin, ‘Coach, minura ka.’ Kaya kami nag-react, ba't kami mumurahin? 'Yun nangyari,” aniya.

Tumanggi namang magpaunlak ng interview sa media si Howell.

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.