NBA Finals: Warriors, muling tinanghal na kampeon matapos talunin ang Cavs

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2018 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Muling naiuwi ng Golden State Warriors ang kampeonato sa NBA Finals nitong Sabado, oras sa Pilipinas.

Matapos ibaon ang Cleveland Cavaliers sa 3-0, hindi na hinayaan ng Warriors ang pagkakataon at tuluyang tinuldukan ang serye sa iskor na 108-85 sa Game 4.

 

Sa unang yugto pa lang ng laro ay pinakita na ng 2-time MVP na si Stephen Curry ang determinasyon at agad bumanat ng 12 puntos, 34-25.

Bagaman nakabawi ang Cavs sa gitna ng 2nd quarter, hindi nagpadaig ang Warriors at patuloy na pinainit ang laban para maiangat muli ang lamang sa siyam na puntos, 61-52. 

Sa 3rd quarter ay 13 puntos lang ang nagawa ng Cavs dahil sa mahigpit na depensa ng kalabang koponan. Umabot sa 21 puntos ang lamang ng Warriors, 86-65.

Hindi na pinalapit pa ng Warriors ang puntos ng Cavs at tuluyang tinapos ang laban sa isang sweep sa NBA Finals, 4-0.

Nagtala si Curry ng 37 na puntos. Habang si Kevin Durant, nagrekord ng triple double na 20 points, 12 rebounds, at 10 assists. 

Muling itinanghal na finals MVP si Durant.

Ani Durant, mas importante ang pagkapanalo ng grupo kaysa anumang personal na parangal na makuha niya.

"All of us. We all want something that's bigger than ourselves. I think we love to see each other succeed. We love to come together and figure stuff out on the basketball court," ani Durant.

Inaabangan naman ng marami ang susunod na hakbang ni LeBron James kung mananatili pa rin ito sa Cavs o lilipat sa ibang koponan.

"When I decide what I'm going to do with my future, my family, and the folks that have been with me for the last, you know, 20 years, pretty much, will have a say. Then, it ultimately will come down to me, and so we'll see what happens," ani James.

Naghahanda na ang Warriors para sa kanilang championship parade sa Oakland, California.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

-- Ulat ni TJ Manotoc, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.