Rambulan pa more? PBA legend Francis Arnaiz binalikan ang Toyota-Crispa rivalry

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 12:04 AM

Sa court aminado si Francis Arnaiz na lamang ang Crispa, "pero sa pagandahang lalaki, Toyota," pabiro niyang hirit. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News/file

Hindi pa rin malimutan ni PBA great Francis Arnaiz ang panahong nakulong siya kasama ang kaniyang mga Toyota teammate at ng koponang Crispa noong 1977. 

Si Arnaiz, tinaguriang "Mr. Clutch" ng liga, ay kasama sa mga binitbit ng Metrocom matapos makipagrambulan sa court kontra Crispa.

Aniya, nakatanggap na sila ng warning sa pulisya dahil sa banggaang nagaganap sa laro.

"I remember Gen. (Prospero) Olivas, who was the head of the Metrocom, he called Dante (Silverio) and Danny Floro. 'You better tell your boys to cool it, wala nang suntukan, kung hindi, kulong ko kayo'," paggunita ni Arnaiz sa isang panayam online.

"But when you're young and you're in the game, that doesn't register in your mind."

Kaya naman nangyari pa rin ang inaasahan at mahigit pa roon. Matapos talunin ng Toyota ang Crispa sa isang dikitang laro, nagpang-abot ang magkabilang tropa sa dugout kung saan nagkasuntukan ang magkabilang panig.

"I remember going back to the quarters sa labas, may bus o kotse ng Metrocom. We were all put in Fort Bonifacio, in the military stockade. Ang cell namin facing each other, one side Crispa, one side Toyota. The whole night walang nakatulog puro kantyawan," kuwento niya.

"From that moment on, we realized that OK naman sila, we were laughing our heads off. The next morning, nakawala na kami, we learned our lesson."

Ang away Crispa-Toyota marahil ang pinakamainit na basketball rivalry sa kasaysayan ng lokal na isports.

Ang Crispa na kinabibilangan nina Bog Adornado, Philip Cezar, Atoy Co, Abet Guidaben at Freddie Hubalde ay nanalo ng 13 PBA titles, samantalang ang Toyota naman nina Arnaiz, Ramon Fernandez at Robert Jaworski ay nag-uwi ng 9 na kampeonato.

Inamin ni Arnaiz na tunay ngang daig ng Redmanizers ang Super Corollas sa loob ng basketball court, pero may huling pabirong hirit ito.

"I make a joke out of it, 'wag kayong masaktan Crispa fans, ha? Mas marami ang championships nila, mas magaling sila. Pero sa pagandahang lalaki, Toyota," kantyaw ni Arnaiz.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.