Ipinataw na ban, para sa kapakanan ni Calvin Abueva: PBA commissioner

Dennis Principe

Posted at Jun 05 2019 10:49 PM

Bukod sa indefinite suspension bunsod ng clothesline hit nito kay Terrence Jones ng TNT, pinagmulta rin si Calvin Abueva ng P50,000 dahil sa parehong infraction. PBA Media Bureau

Kinokonsidera ni PBA commissioner Willie Marcial na isang tulong at hindi maituturing na parusa ang kanilang desisyon sa isyung kinasangkutan ni Phoenix Pulse forward Calvin Abueva.
 
Napatawan si Abueva ng indefinite ban dahil sa clothesline hit nito sa mukha ni Terrence Jones sa mainitang laban ng Phoenix at TNT KaTropa sa Ynares Center, Antipolo City, nitong Linggo.
 
Dugo ang labi ni Jones at bumagsak sa side court matapos ang ginawang atake sa kaniya ni Abueva sa huling mga minuto ng larong napanalunan ng KaTropa, 114-88.
 
“Bata pa kasi si Calvin at alam natin na magaling na player kaya sayang naman kung papabayaan natin. Hopefully makatulong ’yung desisyon natin na para din sa liga natin,” pahayag ni Marcial matapos ang larong Alaska-Magnolia Miyerkoles.
 
Bukod sa indefinite suspension, pinagmulta rin si Abueva ng P50,000 dahil sa parehong infraction, habang dagdag P20,000 fine pa ang ipinataw sa Angeles City-native dribbler dahil naman sa naging sagutan nito sa girlfriend ni Blackwater rookie Bobby Ray Parks Jr. sa 103-98 win ng Elite kontra Phoenix sa Mall of Asia Arena noong Biyernes, May 31.
 
“Mahirap din sa akin kasi personal kong kilala si Calvin at parang anak na natin pero ito ’yung nakita namin na tamang hakbang para din sa ikabubuti ng liga,” dagdag ni Marcial.
 
Hindi naman masabi ni Marcial kung gaano tatagal ang naturang suspension ngunit tiniyak nito na tamang proseso ang kanilang gagawin para mailabas nila ang nararapat na desisyon.
 
“Sa pag-uusap namin nagkasundo naman kami na aayusin namin ng mabuti kasi parang isang proseso ito na gagawin natin, ipapagawa natin sa kaniya. Para makita natin kung nag-iimprove siya sa lahat ng aspeto,” dagdag ni Marcial.
 
“Pinag-aralan namin itong desisyon na ito, nagtanong tanong din naman ako. Talagang sa akin, ito yung hakbang at desisyon natin para sa kaniya,” pagtatapos ni Marcial. 

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.