PBA: Atensyon ni Vic Manuel sa pamilya, pahinga muna habang wala pang laro

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2020 11:35 PM

Nami-miss na rin ni Vic Manuel ang hard court, lalo na't magta-tatlong buwan na nang ipahinto ng PBA ang kalendaryo nito.

Bukod sa home workout, sa pamilya na binubuhos ng tinaguriang "Muscle Man" ng Alaska ang oras niya sa bahay.

"Ang time ko lang ay sa family, kasi di nakakalabas lalo't may baby ako. Mahirap na baka mahawa," kuwento niya sa video conference chat na "PBA Kamustahan" ngayong Martes.

"[Ngayon] kain-tulog lang, paggising."

Hindi rin daw niya maiwasang hanapin ang daily training sa Alaska.

" 'Yung practice, 'yung PBA games, 'yung mga banggaan talaga nakaka-miss. Parang ngayon, wala akong binabangga," aniya.

Kuwento rin niya na nabitin sa laro ang kaniyang koponan noong ianunsiyo ng liga na suspendido muna ang mga laro. 

"Kondisyon pa naman ang Alaska, sayang," dagdag ni Manuel.

Ani Manuel, ang magagawa na lang niya ay palakasin ang kaniyang likod na na-injure noong nakaraang season.

"Last season ng PBA talagang hindi pa ko 100 percent kasi 'yung likod ko 'yun talagang iniinda ko. Sa ngayon, 'yun ang ginagawa kong time para palakasin ko ang mga mga dapat palakasin sa katawan ko," ang sabi ni Manuel.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.