PBA: Atoy Co sa coaching style ni Dalupan — ‘Dadalawa lang play namin’

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 01:03 AM

Para kay PBA legend Atoy Co, walang gagaling pa kay head coach Virgilio "Baby" Dalupan na siyang namuno sa unang super team ng liga, ang Crispa Redmanizers.

Kuwento ni Co, sa mga taong si Dalupan ang kanilang coach dalawang play lang ang ginagamit nila.

"During those years, I can say Baby is the right coach at that time. Kasi si Baby, magaling magdiskarte, kung sino ang babantay dito, babantay doon, sino sa loob," kuwento ni Co sa isang interview online.

"Sa totoo nga sa Crispa, dadalawa lang play nag-Grand Slam kami. Hindi one season, so many years with Baby 'yun lang ang play namin."

Bukod sa kanilang Grand Slam noong 1976, iginiya rin ni Dalupan ang Crispa sa 19-game winning streak na siyang pinakamarami sa iisang conference.

Nakapanalo si Dalupan ng 9 na PBA championships para sa Redmanizers sa loob ng 8 taon.

Ayon kay Co, malaking bagay ang coaching style ni Dalupan sa tagumpay ng Crispa.

"Malaking factor doon, dicsiplinarian si Baby. Talagang lahat susunod," ani Co.

"Anong superstar ka, late ka sa practice? The next few games upo ka. Maski kahit kailangang kailangan ka, basta ma-late ka sa practice, may ginawa kang kalokohan, bangko ka. Ako nga nabangko ako, si Philip (Cezar) nabangko rin."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.