'Si Kim Chiu sana ang gumanap': Buhay ni Sisi Rondina, itatampok sa 'MMK'?

ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 09:23 AM

Photo from Kim Chiu's Instagram account and Arvin Lim, ABS-CBN Sports

Bigo mang maiuwi ang kampeonato sa UAAP women’s volleyball, marami ang humanga sa kahusayan at puso sa laro ni Sisi Rondina ng UST Golden Tigresses. 

Hindi man katangkaran, nagpakitang-gilas si Rondina sa liga na naging daan upang makuha nito ang MVP trophy at Second Best Outside Spiker award. Nanguna rin ang Cebuana sa pagbuhat sa Tigresses patungong Finals na naging mailap sa koponan sa loob ng walong taon. 

Naibulsa man nila ang Game 1, yumuko sina Rondina sa Ateneo Lady Eagles sa sumunod na dalawang laro upang magkasya sa ikalawang puwesto sa UAAP. 

Nauna nang nabigyan ni Rondina ng titulo sa UAAP ang UST matapos magreyna sa beach volleyball tournament ng apat na beses sa huling limang taon, tampok dito ang three-peat mula Season 79 hanggang 81. 

Dahil sa kaniyang husay sa beach at indoor volleyball, hindi ikinagulat ng marami nang tanghalin itong Athlete of the Year para sa mga team events ng taunang liga. 

Sa lahat ng kaniyang tagumpay, tila madadagdagan ang kaniyang tagahanga dahil pinag-uusapan na umano ng sikat na drama anthology show ng ABS-CBN na “Maalaala mo Kaya” kung maaaring gawin ang kaniyang buhay para sa isang episode. 

Ayon sa ulat ng ABS-CBN Sports, inamin ni Rondina na kinausap na siya ng isa sa mga tagasaliksik ng palabas noong Linggo para sa posibilidad na ipakita ang kaniyang buhay. Ngunit, wala pa umanong kasiguraduhan dahil ipi-pitch pa ito sa creative team ng MMK. 

“OMG. OMG. I'm thankful na gusto nilang marinig ang buhay ko," reaksyon ni Rondina nang malaman ang planong ipalabas sa telebisyon ang kaniyang istorya. 

Sakali mang matuloy, umaasa ang kapitana ng UST na magbigay inspirasyon ang kaniyang kuwento. 

"Masaya kasi maraming makaalam ng buhay ko from ups and downs tapos ngayon. Sana, makaka-inspire siya."

Pabiro ding sinabi ni Rondina na si Kim Chiu na kapwa niya Cebuana sana ang gumanap sa kaniyang buhay. 

Nagulat naman si Chiu nang malaman ang hiling ni Rondina. Sa kaniyang Instagram story, "Hala" na lamang ang nasabi ng aktres. 

Labis din ang naging suporta ni Chiu sa balibolista noong UAAP Finals kung saan makailang ulit itong nag-tweet para ipakita ang paghanga kay Rondina. 

Nauna nang ipinalabas ng MMK ang kuwento ni Paul Desiderio ng UP Fighting Maroons. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website