Ateneo kampeon sa UAAP volleyball matapos ang 4 taon

ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 06:46 PM

Makalipas ang apat na taon, nagkampeon muli ang Ateneo Lady Eagles sa UAAP Season 81 women's volleyball matapos matalo ang UST Golden Tigresses sa iskor na 25-17, 25-22, 25-22, nitong Sabado sa Mall of Asia Arena.

Unang set pa lang ay umarangkada na ang Ateneo. Nagpakalat ng maraming error ang UST, na sinamantala ng Ateneo kasabay ng kanilang solid na pag-spike, 25-17.

Nanguna naman ang UST sa ikalawang set pero humabol ang Ateneo matapos magpakawala ng 7-3 run para ma-tabla ang laro sa 16-all. Makalipas nito, tuluyan nang nakabawi ang Ateneo hangga't sa nakuha nila ang ikalawang set, 25-22.

Matapos tambakan ng ilang puntos sa kalagitnaan ng ikatlong set, sinubukang bumawi ng UST at nakadikit pa ang koponan sa 22-all kontra Ateneo.

Ngunit nagpakawala ng tatlong sunod-sunod na puntos ang Ateneo hangga't makuha ang championship point, 25-22, at maibalik ang korona sa Katipunan.

Nakakuha ng 15 puntos si Bea De Leon - na ginawarang Finals MVP, sa kaniyang huling laro para sa Ateneo. Sinundan naman ito ng 10 puntos ni Maddie Madayag, na aalis na rin ng Ateneo matapos ang championship.

Nagpakawala naman si Sisi Rondina ng 18 puntos sa kaniyang pinakahuling laro para sa UST. Nakakuha naman ng 10 puntos si UAAP Rookie of the Year Eya Laure.

-- May ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.