‘Wala akong masamang intensiyon’: Ex PBA player Roger Yap sinagot ang paratang ni Mayor Vico

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at May 06 2020 07:35 PM | Updated as of May 06 2020 08:53 PM

Nilinaw ni dating PBA player na si Roger Yap ang napabalitang minura umano niya ang isang tanod na nag-aabot ng ayuda sa Pasig City nitong nakaraang Lunes.

Bagamat hindi siya pinangalanan ni Pasig City Mayor Vico Sotto, lumilitaw na siya ang tinutukoy ng alkalde sa kanyang Facebook video na dating PBA player na naninirahan sa Greenpark Subdivision na nagtaas umano ng boses sa mga dumalaw na barangay officials.

"Wala naman nangyaring ganoon... May nasabi si mayor na nagwala raw ako, walang nangyaring ganoon," sabi ni Yap, na dating lumaro sa Purefoods at San Miguel Beer sa PBA at sa Manila Stars sa MPBL.

"Kung nagmura ako noon, may mga roving security sila baka napadampot na ako, napahuli na ako."

Kuwento niya na noong dumalaw ang mga barangay official sa kanilang subdivision noong Lunes ay nakiusap siyang kung pwede ay ibahay-bahay na lang ang mga ayuda. 

"Kasi ang gusto nila ay magpunta pa sa mobile palengke. Kasi nakuha nga nilang magbigay ng mga form, pati 'yung permit to leave ng bahay-bahay. Sabi ko na sana ganoon na rin ang gawin. Wala naman akong masamang intensyon," aniya.

Naunang sinabi ni Sotto na may team leader daw silang nakaranas umano ng ng pagmumura mula sa dating PBA player dahil mukha raw naliitan sa ipinaabot na tulong.

Pero giit ni Yap na hindi niya maaaring gawin iyon dahil maging ang ilang mga kamag-anakan niya sa Cebu ay nagsisilbi rin sa frontline.

"Hindi ko talaga gagawin iyon, dahil alam ko kung ano'ng hirap na pinagdaraanan nila," aniya.

Laking gulat daw niya noong masagap niya ang balita na nagsalita ang batang alkalde tungkol sa kaniya. Dito nagdesisyon ang dating PBA player na sumadya sa tanggapan ni Sotto para makipag-usap.

"Hindi kasi ako sanay na nalalagay sa ganito. Hindi ako pwedeng manahimik lang kaya nagpunta ako. Nag-usap kami at nagkaayos naman. Ang sinabi niya sa akin, sige at pasensya na," aniya.

Pero aminado si Yap na hindi niya maiwasang sumama ang loob dahil sa isyu.

"Kasi parang na-damage rin (ang image ko). Sana ma-clear rin ang pangalan ko," sabi ni Yap.

Nilinaw rin ng cager na hindi naman siya masyadong nakakaangat sa buhay gaya ng pag-aakala raw ni Sotto. 

"Naiiyak nga ako sa totoo lang. Tatlong beses na'kong umiyak ngayon araw na ito, wala masyadong tulog dahil sa nangyari," ayon kay Yap.

"Hindi ako mayaman. No work, no pay din ako. Kailangan kong maglaro ng basketball para magkapera. Retired na kasi kami so naglalaro na lang kami sa exhibitions para kumita."

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.