Mayor Vico pinuna ang ex PBA player na minura umano ang brgy. staff na namimigay ng ayuda

ABS-CBN News

Posted at May 05 2020 10:39 PM | Updated as of May 06 2020 01:07 AM

Nagsalita si Pasig City Mayor Vico Sotto tungkol sa pagmumura umano ng isang dating PBA player sa mga barangay official na nag-iikot para mag-abot ng cash assistance.

Sa kaniyang Facebook live session, sinabi ni Sotto na ang retired basketball player na tinutukoy niya ay dating teammate ng kaniyang bayaw na si Marc Pingris, ngunit di niya pinangalanan ito.

"Minsan nakaka-encounter pa sila ng minumura sila, nagagalit sila. Sana 'wag namang ganoon," ang sabi ng batang alkalde ng Pasig. 

"May isang instance, taga-Greenpark (Subdivision). Siguro naliitan sa (inabot natin), alam ko naman may kaya iyon, dating PBA player. Kakampi pa man din ng bayaw ko dati si kuya Marc dati." 

Niliwanag ni Sotto na ang kanilang ipinaaaabot ay tulong pinansyal na galing sa local government para sa mga hindi nabiyayaan ng social amelioration program.

"Minura-mura 'yung team leader natin, naliliitan siya sa ipinamigay ng city. Kung naliliitan siya, ibig sabihin hindi niya kailangan 'yun," ang sabi ni Sotto.

"Alam ko naman kung magkano ang sweldo niya dati. Hindi naman siya mahirap."

Iginiit ng alkalde na hindi naman makatarungang matahin ng dating PBA player ang mga taga-barangay lalo na at nagsisikap naman silang maghatid ng tulong sa kabila ng init ng panahon.

"In fairness sa mga barangay natin na handa silang tumulong at tumutulong talaga sa panahon ng krisis na ito," aniya. 

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.