PBA: Pagkansela ng 45th season posible ba? Kung magtagal ang pandemic pwede, ani kume

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2020 09:07 PM | Updated as of Apr 28 2020 11:19 PM

Mukhang nalalagay sa alanganin ang Season 45 ng PBA sa pagpapatuloy ng epekto ng COVID-19 pandemic sa daigdig ng sports.

Habang may coronavirus, ibig sabihin bawal pa rin ang mass gathering sa mga arena na mahalaga para sa first play-for-pay league sa Asya.

"Siguro hindi na kakayanin ang 2 conferences," ang sabi ni PBA Commissioner Willie Marcial. "Dapat sa July magsisimula na tayo, wala pang kasiguraduhan."

Aminado si Marcial na maaaring mauwi sa kanselasyon ng buong PBA season kapag nagpatuloy ang krisis.

"Tingnan natin ng September. Kung September to October wala pa, kung hindi pa rin magkakaroon ng mass gathering ay baka icancel na natin ang Season 45. Mag si-Season 46 na tayo, malaking bagay 'yun," dagdag ni kume.

Ibig sabihin nito na mare-retain ng mga current champion ang kanilang mga titulo hanggang sa susunod na taon.

Makakaapekto raw ito sa pagdami ng mga PBA rookie sa bawat koponan.

"Ang mga rookies natin ngayon rookies pa rin next year, madaradagan pa sila ng rookies pagdating ng Season 46," sabi ni Marcial. 

Wala pa rin daw kasiguraduhan kung makakaapekto sa players' pay ang tuloy-tuloy na suspensiyon ng liga.

Malalaman pa raw ito kapag nag-usap-usap na ang mga miyembro ng PBA board sa Mayo.

"Pag-uusapan kung baka pwedeng hanggang August pa natin pagdesisyunan kung ika-cancel ang season. From there, pag-uusapan kung ano'ng gagawin sa teams kung may adjustment ba (sa pay), doon pa lang magsisimula ang usapan," ani Marcial.

Nagpaabot naman ng mensahe ang PBA commissioner sa mga team owner, mga team governor at maging mga player at coaches na nagpapaabot ng tulong sa mga game day employees ng liga.

"Ang laking pagpapasalamat ko sa kanila sa pagtulong sa mga gameday employees patuloy na sumusuporta pa rin sa mga staff ng PBA," ani Marcial.

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.