Planong paggiba sa Rizal Memorial Coliseum, iprinotesta

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2017 07:30 PM

MANILA — Nagtipon ang mga rallyista sa harap ng Rizal Memorial Coliseum nang malaman ang balita na tangka umano itong gibain upang tayuan ng isang bagong mall sa mismong kinatitirikan nito. 

Kasama sa mga dumalo sa rally ay sina Ching Montenola, anak ni Antonio Delas Alas na gumawa ng plano sa nasabing stadium, at ang dating senador at basketbolistang si Freddie Webb.

Depensa nila, hindi ito dapat gibain dahil ang coliseum ay isang lugar kung saan naganap ang mga makasaysayang sporting events higit 50 taon na ang nakakalipas.

Ang coliseum ay isa rin sa mga natitirang istruktura sa lugar kung saan pwedeng mag-evacuate ang mga residente doon sa oras ng sakuna.

Ayon kay Montenola, ang coliseum ay protektado ng batas.

Paliwanag niya na sakop ang coliseum ng Republic Act 10066 section 5 o Heritage Law. 

Ayon sa nasabing batas, ang mga istrukturang may edad na 50 taon o higit pa ay itinuturing na mahalagang cultural property kung saan protektado ito sa exportation, modification o demolisyon.

Idineklara na ng National Historical Commission of the Philippines ang Rizal Memorial Sports Complex, kung saan nakatayo ang Rizal Memorial Coliseum, bilang isang national historical landmark.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.