Construction ng SEA Games sports complex sa Tarlac nagpapatuloy

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2019 04:43 PM | Updated as of Mar 22 2019 09:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CAPAS, TARLAC — Sa kabila ng isyung baka hindi matuloy ang pagho-host ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian (SEA) Games sa Nobyembre, tuloy-tuloy naman ang konstruksyon sa 40 ektaryang sports complex sa New Clark City sa Tarlac.

Buo na ang skeletal structure ng maraming pasilidad tulad ng athletic stadium, aquatic center, athletes' residences, at government housing.

Nakalitaw na ang engrandeng disenyo ng stadium na 20,000-seater. May mga bench na sa loob nito na may black and orange pattern.

Nakakabit na rin ang ilang electrical at water lines.

Tiwala ang organizing committee ng SEA Games na matatapos ang sports complex sa Agosto kahit pa wala pang inilalabas na budget ang gobyerno dahil marami naman daw sponsor.

Una nang sinabi sa ABS-CBN News ni Philippine Olympic Committee (POC) chairman Abraham Tolentino na walang dahilan para maunsiyami ang hosting ng Pilipinas dahil maayos ang lahat ng preparasyon.

"Definitely, we will not give up the hosting. It's an embarrassment to us," sabi ni Tolentino.

Hiniling naman ni POC executive council member Surigao del Sur (1st district) Rep. Prospero Pichay Jr. sa Senado na aprubahan na ang 2019 General Appropriations Act sa lalong madaling panahon para maiwasan ang problema sa preparasyon.

Nakabinbin ngayon ang budget dahil sa kuwestiyon ukol sa umano'y paglipat ng P25-bilyong halaga sa budget para sa ilang mga mambabatas. Ang reenacted 2018 budget ang pinagkukunan ngayon ng panggastos ng gobyerno.

"Baka August pa raw ma-approve ang budget so it's a cause of alarm. Imagine mo kung August ma-approve ang budget, three months is too close," ani Pichay.

Gaganapin ang SEA Games sa November 30 hanggang December 11 sa iba't ibang lugar sa bansa pero sa Tarlac ang main events.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.