PBA: Tanong ng asawa ni Abueva, kailan matatapos ang suspensiyon ni ‘Beast’?

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 01:06 AM | Updated as of Feb 27 2020 02:57 AM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Salome Alejandra J. Abueva (@abueva_sam) on

Nagsalita ang asawa ni Calvin Abueva tungkol sa indefinite suspension na binubuno ng Phoenix Pulse star forward simula pa noong June 2019.

Hindi mapigilang ilabas ni Sam Abueva ang kaniyang saloobin sa Instagram, lalo na't malapit nang magsimula ang panibagong season ng PBA.

"Sana makarating sa'yo kung sino man ikaw? kayo? gusto ko lang sana malaman kung ano po ba ang basehan kung bakit hangang ngayon hindi parin nakakalaro ang asawa ko," pagbubukas na sinabi ni Sam.

"Hindi pa ba sapat ang 9 na buwan para sa parusa na binigay niyo hindi pa ba sapat na lahat na apektuhan dahil sa pangyayare na to di pa ba sapat na pati 5 anak namin naapektuhan sa pangyayare na to di pa ba sapat na pati pamilya ng asawa ko sa pampanga nag sasakripisyo para dito? di pa ba sapat lahat ng yan."

Matatandaang pinatawan ng indefinite suspension si Calvin Abueva dahil sa sunod sunod na sigalot na kinaharap nito.

Bukod sa nakipagsagutan siya sa girlfriend ng PBA rookie na si Ray Parks Jr., napaaway rin siya sa TNT import na si Terrence Jones.

Gustong malaman ni Sam kung hanggang kailan ang suspensiyon at bakit natatagalan ang muling pagtanggap ng liga kay Calvin.

"Para anong kadahilanan pala gusto ko lang sana maliwanagan sa dami ng nakita ko na pangyayare sa bawat player na may ginawa na hindi sang ayon sainyo na mas malala pa sa nagawa ng asawa ko eh patuloy parin nakakapag laro," aniya.

Nauna nang nagsabi si Willie Marcial na may napag-usapan na sila ni Calvin tungkol sa kaniyang pagbabalik.

Kung magawa raw ng player ang mga kondisyon na hinihingi niya, ipapaabot daw ni Marcial sa PBA board ang kaniyang rekomendasyon.

"Nag-uusap pa kami," ani Marcial. "Mayroon pa akong pinapagawa."

"Kapag naayos na 'yun at OK na, ie-elevate ko sa board kung ano ang recommendation ko."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.