Failon Ngayon: Online games, pang-SEA Games na?

ABS-CBN News

Posted at Feb 17 2019 01:18 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maniac, Savage, Zoning. Ito ang lengwahe ng ilang mga kababayan natin ngayon dala na rin ng paglalaro ng mga online at mobile game. 

Isa sa nakakabisado na nito si Jafet John Cabuhat ng Malabon City. High school pa kasi ng masabak siyang maglaro nito.

Kasabay ng pagtuntong niya sa kolehiyo ay ang paglevel-up din ng kanyang atraksyon sa mga larong ito na madalas ay may sangkot na pera.

Ayon kay Maria Luz Estudillo isang psychologist, ang paglalaro ng mga online at mobile games ay nakakapagbigay ng kasiyahan sa mga naglalaro nito. 

“Ayon sa mga nakakausap namin na mga kabataan, masaya raw silang naglalaro ng DOTA dahil mayroon daw silang tinatawag na bonding with friends may element of fun in the game tapos nag- iistrive sila to win. Pag natatalo ka you, aim more ang mga characters in the game, sa mga bata yung mga colorful charcters it brings pleasure to them, mahilig sila sa colors at heroes,” paliwanag niya.

Sikat na sikat nga ngayon ang online games mapa-bata man o matanda. Ang iba nga sa kanila, ginagawa na itong hanapbuhay. Sila ngayon ay maituturing na mga atleta pansabak sa torneo sa iba’t ibang bansa.

Sa bootcamp ng TNC Team nagsasanay ang mga professional e-sports gamers bago isabak sa iba’t ibang kumpetisyon. 

Ayon sa kanilang manager na si Ryan Crisostomo, “Every tournament naman makikita mo talaga sino magagaling, so tinitingnan namin and we train them kasi minsan ang iba kala nila madali lang ang gingawa namin pero its really difficult. Kasi dito sa Pilipinas andaming gamer talaga, binibigyan namin sila ng opportunity na makita nila ang kanilang potential tapos eventually pag mag compete sa ibang bansa. And we are paid to do this tapos passion namin ang ginagawa namin. So yung best namin ginagawa rin namin. Dito libre lahat, breakfast, lunch, dinner, merienda pa yan minsan. Free lahat yan.”

Ang e-sport gamer na si Federico Evangelista, naghahanda na nga sa world electronics games competition sa China sa susunod na linggo. Sa isang araw, nakaka-10 hanggang 12 oras na practice ang team ni Federico. 

Dahil sa dami ng nahihilig sa mga online at mobile games, idineklara na rin itong sporting event sa darating na South East Asian Games dito sa Pilipinas. Limang e-sports games ang paglalabanan. Ito ang DOTA 2, StarCraft II, Mobile Legends: Bang Bang, Arena of Valor, at Tekken 7.

Paliwanag dito ni William Ramirez, chairman ng Philippine Sports Commision, “Napagkasunduan nila na i-include ito kasi sa demo ng Olympics so kami naman sa PSC we are supporting the decision of the Philippine Olympics Committee and they are responsible for accepting the e-games. It’s very popular now and this is now part of the entertainment. The way I look at it, there are almost 500 million enjoying the e-games. The organizing committee is demanding to have it.”

Pero hindi ba’t ang sobra-sobrang paggamit ng mga gadgets ay itinuturing ng isang uri ng adiksyon? 

Ayon ka Maria Luz Estudillo na isang psychologist, “Ang isang bagay kasi nakakakuha ka ng isang pleasure o gratification nagke-create siya ng addicition ang alam ko, may pustahan sa pera so kapag may pustahan sa pera nakakagawa ka ng hindi maganda. Pangalawa yung kanilang mga oras instead sa pag-aaral doon na nila ginugugol, nagkakaroon ng effect kasi enjoy sila doon eh.”

Sa sobrang pagkahilig nga ni Jafet sa paglalaro ng online at mobile games, nasakripisyo na niya ang kanyang pag-aaral.

Bagamat alam ng Department of Education ang peligro ng labis na pagtutok sa mga gadgets, hindi sila tutol sa paglalaro ng online at mobile games ng mga kabataan. Kailangan din kasi raw mahasa ang kasanayan ng mga kabataan sa makabagong teknolohiya.

Iba naman ang tono ng Philippine Sports Commission sa pagkakasama ng mga larong ito sa SEA Games. 

Paliwanag ni William Ramirez ng PSC, “Bilang isang chairman, I am not in favor, I'm not but I have to respect my counterpart. Sa pagkakaalam ko, it was surprised to me that it's part of the e-games. Ang importante yata dito na magkaroon ng code of conduct, because if its not properly supervised.

Kung hindi talaga maiiwasan ang paglawak ng online at mobile games, tiyakin lamang daw na alam ng manlalaro ang kanyang limitasyon.

___

Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng Pinoy Big Brother Otso,
11:00 ng gabi sa ABS-CBN. 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
2019 SEA Games