Pinoy sasabak sa Ultraman Florida 2019 dala ang bandila ng Pilipinas at UAE

Rachel Salinel and Randy Lamsen, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Feb 12 2019 02:31 PM

DUBAI – Nasa Amerika na ang unang atletang Pilipino na magsisilbing kinatawan ng dalawang bansa sa gaganaping Ultraman Florida 2019 ngayong buwan.

Ayon kay Romeo Tumayao Puncia III, dala niya ang bansang Pilipinas at United Arab Emirates (UAE) sa race na ito kalaban ang 49 pang atleta mula sa ibang bansa.

“Kinakabahan, kasi I am representing UAE and Philippines at maraming tao ang manonood ng race na iyon, especially sa online, and excited, kasi first time kong makapunta ng US at ma-meet ang iba pang atleta from the different parts of the world,” ayon kay Puncia sa panayam bago tumulak pa-Amerika.

Humihingi rin siya ng panalangin sa mga tao para magkaroon ng sapat na lakas para tapusin ang karera at hindi magtamo ng anumang injury.

Isang medical emergency technician ang 32 anyos na si Puncia sa Abu Dhabi. Nakilala siya bilang Pinoy na atleta na lumalaban para makatulong sa 10 komunidad sa Roxas, Palawan.

“Namamahagi po ako, kasama ang aking asawa at mga kaibigan, sa mga kumunidad at kabataan sa Palawan ng tulong mula sa donasyon tulad ng sports equipment, para sa feeding program, education, medical supplies at leadership trainings,” sabi niya.

Dahil dito, nabigyan na siya ng ilang parangal tulad ng Bagong Bayani Award mula sa konsulado ng Pilipinas sa Dubai noong 2018 at Pride of Abu Dhabi Awards 2018, ang kauna-unahang Pilipino na nabigyan ng parangal na ito ng kabisera.

Sa kabuuan, si Puncia ay lumaban na sa 40 races mula nang unang sumali sa triathlon taong 2016.

Ang Ultraman ay isa sa pinakamahirap na triathlon sa mundo na binubuo ng 10-kilometrong langoy, 423-km layo ng ibibisikleta, at 84.3-km na takbo.

Handa naman niyang tapusin ito para maipagpatuloy ang tulong niya kung papalarin sa tribal communities sa Palawan at makapagbahagi sa kanilang Sports Festival sa Abril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.