Dating PBA player Dondon Hontiveros, inalala ang yumaong si Kobe Bryant

Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2020 06:55 PM

CEBU CITY -- “Kahinumdum ko wa siya ka score nako.” (Tanda ko pa hindi siya naka-score sa akin.)

Inalala ng dating basketbolista at ngayo'y konsehal ng Cebu City na si Dondon Hontiveros na minsan na niyang nakalaro ang National Basketball Association (NBA) legend na si Kobe Bryant.

Tanda pa ni Hontiveros ang kaniyang galak nang malaman niyang makakalaro niya si Bryant.

Pareho sila ng posisyon kaya alam na niyang magkakabantayan sila. July 2011 nang magpunta sa Pilipinas sina Bryant para sa dalawang araw na exhibition game.

“Parang nag-aaway pa kami ni ni Marcio (Lassiter) noon kung sino ang babantay sa kanya,” kuwento ni Hontiveros.

Kabilang si Hontiveros sa national team noon. Dagdag pa niya, hindi niya naramdamang exhibition game lang para kay Bryant ang laro dahil ipinakita pa rin niya ang kaniyang galing. 

Sa kabila ng mga parangal na natanggap ng NBA superstar, para kay Hontiveros, ang work ethic na ipinakita ni Bryant ang naging inspirasyon din niya hanggang sa labas ng basketball court. 

Malungkot man ang kaniyang paglisan ay mananatiling idolo ni Hontiveros ang tinaguriang "Black Mamba."

Pumanaw si Bryant, isang 5-time NBA champion kasama ang Los Angeles Lakers at 2-time Olympic gold medalist, sa edad na 41 matapos bumagsak ang sinasakyan niyang helicopter sa sa Calabasas sa California.

Kasamang namatay ni Bryant sa aksidente ang 13 anyos niyang anak na si Gianna at 7 iba pa.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.