PBA commissioner: Kaso ng injury sa ligang labas, warning sa mga player

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 09:10 PM

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, desisyon ng mother club kung papayagan ba o hindi ang kanilang player na maglaro sa ibang liga. PBA Media Bureau

Muling binalaan ni PBA commissioner Willie Marcial ang kaniyang mga player na iwasang sumali sa ligang labas.

Aniya, bukod sa labag ito sa uniform player’s contract (UPC), maaari ring ma-injure ang mga player tulad ng nangyari kay Ping Exciminiano kamakailan lang.

“Bawal talaga sa PBA ’yan at kasama ’yan sa UPC na pinipirmahan ng mga players,” sabi ni Marcial sa artikulong lumabas sa Spin.ph. “Pero minsan hindi talaga maiwasan, kaya ang desisyon namin diyan laging ipagpaalam sa mga mother teams nila.”

Sa kaso ni Exciminiano, hindi niya inabisuhan ang Rain Or Shine management. Lalo pang dumagdag sa problema ay ang nalalapit na pagpirma sana niya ng contract extension.

Dahil dito, ipinagpaliban muna ng Rain Or Shine ang lagdaan.

“Katulad niyan, may nangyaring aksidente. Siyempre, you feel for the player, pero masisisi mo rin ba ’yung team?” pahayag ni Marcial.

May mga kaso rin naman kung saan pinapayagan ang mga player na sumali sa ligang labas, basta ba may paalam.

“Si June Mar (Fajardo) tumawag ang San Miguel, pinapaalam siya dahil may charity game na in-organize. OK ’yun, especially kung charity ’yan,” he said.

“Si Beau (Belga) nagpaalam din, maglalaro nga sa Dubai (Mighty Sports). So kung dumaan naman sa management ng mother teams nila, wala naming problema.”

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.