PBA: Si Almazan nga ba ang susi ng Meralco laban sa Ginebra?

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 02:18 AM

Magiging mas kaabang abang ang PBA finals sa pagitan ng Meralco at Ginebra ngayong nasa Bolts na si Raymond almazan. PBA Media Bureau

Si Raymond Almazan na nga ba ang kasagutan ng Meralco para matalo na nila ang Barangay Ginebra sa PBA Governors Cup finals?

Hindi pa nananalo ang Bolts sa Gin Kings sa dalawang paghaharap nila sa Governors Cup finals at umaasa ang tropa nina coach Norman Black na sila naman ang mamamayagpag sa pangatlong pagtatagpo.

Si Almazan na raw ang itinuturing na alas ngayon ng Bolts na dating nahihirapan dahil sa kakulangan ng lehitimong “big man.”

“At least ngayon matatapalan ko na yung butas nila inside the paint,” ani Almazan sa ABS-CBN Sports.

“Lagi nilang sinasabi malaking bagay. Para sa akin, blessing ito na na-trade ako sa Meralco, tapos after two conferences, nasa finals agad. It was a good sign for me na siguro makabalik talaga and makapag-champion sana ulit.”

Matatandaang nakuha ng Meralco si Almazan mula sa Rain or Shine sa isang trade kapalit ng dalawang first-round picks sa 2019 at 2021 draft.

Pero iniiwasan daw ni Almazan isiping siya ang magsisilbing "taga-tubos" ng Meralco.

Kailangan pa rin ng isang buong team para matalo sina Justin Brownlee at ang Gin Kings, aniya. 

“Hindi ko nilalagay sa ulo ko na ako yung kailangan, hindi. All of our teammates kailangan mag-contribute this Finals,” sabi ni Almazan.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.