Pope Francis, pangungunahan ang simbang gabi sa Vatican sa unang pagkakataon

Jackie de Vega, ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 10:42 PM

Si Pope Francis sa Vatican noong Nob. 27, 2019. Reuters, Guglielmo Mangiapane

Mismong si Pope Francis ang magdaraos ng misa para sa makasaysayang simbang gabi sa Disyembre 15 sa St. Peter's Basilica, Vatican City.

Espesyal ang misang ito sapagkat sa apat na taong pagdaraos ng mga Pilipino ng simbang gabi sa Vatican, ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang Santo Papa ang mangunguna sa selebrasyon.

Mahigit isang buwan nang inanunsiyo ni Fr. Ricky Gente, ng Sentro Filipino Chaplaincy, sa social media ang tungkol rito. Ito ay matapos magkaroon ng pagkakataong makausap ang Santo Papa habang sila ay naghihintay para sa pandaigdigang araw ng mga migrante at refugees.

Sa social media sinabi ni Fr. Gente na hinde nalilimutan ni Pope Francis ang pagiging "Lolo Kiko" nito para sa mga Pilipino.

"Sariwang-sariwa pa rin sa kanyang alaala ang mainit natin na pagtanggap sa kanya sa kanyang pagbisita sa pilipinas," ani Fr. Gente.

Ayon pa kay Fr. Gente, tuwang ikinuwento ni Pope Francis na animo'y 'di raw natutulog ang mga Pilipino noong siya ay bumisita.

"Kasi kahit sa gabi at madaling araw, kapag sumilip siya sa kanyang bintana, nandoon pa rin ang mga Pilipino na nakabantay at sumisigaw ng mabuhay, kasabay ang pagharana sa kanya," aniya.

Ang simbang gabi ay ang pagnonobena ng siyam na misa para sa paghahanda sa kapanganakan ni Hesu Kristo.
 
Isa sa mga pamana ng mga Kastila sa mga Pilipino at naging panata ng karamihan tuwing sasapit ang kapaskuhan.

Bagama't nasa abroad, hindi pa rin nawawala sa mga Pinoy ang tradisyong kinaugalian.

Kaya naman naghahanda ang komunidad para sa nasabing simbang gabi.

Isang audition para sa grand choir na siyang kakanta para sa simbang gabi ang ginanap, at mahigit sa 100 ang dumalo sa audition.

Para kay Marivic Matira, sa tagal niyang choir sa kanilang komunidad, ito ang unang pagkakataon na makakakanta siya sa Vatican.

“Importante 'to sa kin kasi simbang gabi. Unang-una andun si Pope, siya ung magmimisa kaya mahalaga, masaya. Isang magandang regalo sa kin ito ng Diyos kung sakaling makasama ako rito sa simbang gabi coro,” ani Matira.

Hindi naman maiwasang maging excited si Manny Cadawas na magkaroon ng pagkakataon na makakanta sa harap ni Pope Francis.

“Excited siyempre, Vatican na 'yun tapos si Pope ang magmimisa. Siyempre, napakahalaga po nun kasi minsan lang sa buhay na magkaroon ng panahon, na pagkakataon na makakanta sa Vatican. matagal ko nang hinahangad un eh,” ani Cadawas.

May 7,500 ang inaasahang pupunta para sa simbang gabi.

Para sa mga susunod na simbang gabi naman ay sa Basilica di Santa Pudenziana gaganapin ang misa tuwing alas siyete ng gabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.