Italya naghigpit sa pagbibigay ng citizenship

Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Nov 27 2018 12:30 PM

MILAN, Italy - Sa pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong permanenteng naninirahan at nagtatrabaho sa Italya, marami ang nagnanais na maging Italian citizen.

Ang inaasam na la dolce vita maaantala dahil sa pagbabago ng batas sa Italya kasunod ng paghihigpit sa regulasyon sa pagbibigay ng citizenship na nakasaad sa Salvini Decree na makaaapekto sa maraming dayuhan, kabilang ang mga Pinoy.

Noong 2016, nanguna ang Italya sa bansang may pinakamaraming bilang ng dayuhan na nag-acquire ng citizenship na umabot sa mahigit 200,000 o 20 percent ng kabuuang naibigay na citizenship ng 28 member states ng European Union, ayon sa Eurostat.

Sa mas pinaigting na immigration and security decree, nakapaloob ang ilang pagbabago sa Italian citizenship law. Kailangan maghintay ng isang dayuhan ng apat na taon mula sa dating dalawang taon at maipasa rin ang Italian language at culture test.

Ang Italian citizenship ay maaaring makuha sa pamamagitan ng automatic granting, pribilehiyo at obligasyon, ayon sa batas at ordinary naturalization.

Maraming Pinoy ang nais maging Italian citizen para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya bukod pa sa seguridad sa trabaho, serbisyong pangkalusugan at travel privileges.

Para kay Vicmer Ferrer na naging Italian citizen sa ilalim ng birthright citizenship, ang pagiging Italian ay may kaakibat na responsibilidad. Hindi lamang convenience ang pagkuha nito. 

“It’s not only, you know, a political thing. It’s not only about economic advantages, but it’s like giving back to them, to the Italian government… embrace their culture, giving back with our culture and be a responsible citizen here,” sabi ni Ferrer.

Hati ang opinyon ng mga kababayan sa issue. 

“Yung pagbabagong repormang ito ay hindi lang n'yan maaapektuhan 'yung ating pagmamahal sa bansang iyong ia-adapt, kung hindi mawawalan ka na rin ng interes… 'yung mapaayos pa ang kalagayan mo bilang migrante, na ikaw naman ay taxpayer. Ano pa ba ang dahilan nila na hindi maibigay sa iyo? Unfair, bakit 'yung iba nabigyan less than 2 years,” sabi naman ni Nonieta Adeba, isang Filipino community leader.

Para naman kay Edilberto Fulgado, makaaapekto ito sa mga Pinoy na malapit na sa retirement age at kukuha ng kanilang pensyon.

“Nalulungkot kami lalo na 'yung mga kababayan natin na matagal na dito na inaasahan nila na sa dalawang taon lang magiging citizen na sila pero nadagdagan pa ng dalawang taon kaya another pagiintay na naman,” sabi ni Fulgado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.