Mga delegado ng Malaysia sa SEA Games pinabakunahan kontra polio

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2019 09:49 PM

Higit 1,000 atleta at opisyal ng Malaysia ang nagpabakuna kontra polio noong Huwebes bago lumahok sa 30th Southeast Asian Games (SEA Games) na gaganapin sa Pilipinas.

Ayon sa pahayagang The Star ng Malaysia, 774 atleta at 340 opisyal doon ang nagpabakuna matapos makatanggap ng liham mula sa Philippines SEA Games Organizing Committee (Phisgoc) na mayroong outbreak ng polio sa Pilipinas.

"They must get vaccinated before leaving for the Games," ani Olympic Council of Malaysia (OCM) deputy president Datuk Seri Azim Zabidi.

Setyembre nitong taon nang kumpirmahin ng Department of Health na nakapagtala muli sila ng kaso ng polio, 19 taon matapos maging polio-free ang Pilipinas.

Sa huling ulat, 7 na ang naitalang kaso ng polio simula Setyembre.

Gaganapin ang SEA Game simula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, na inaasahang lalahukan ng aabot sa 10,000 atleta mula iba't ibang bansa.

2019 SEA Games